‘Tulak’ sugatan sa shootout
LUCENA CITY, Philippines — Hindi hinayaan ng mga operatiba ng Lucena Police Drug Enforcement Unit (DEU) na mapagaya sila sa kapalaran ng dalawang pulis sa Bulacan na napatay sa gitna ng buy-bust operation nang gantihan nilang barilin at masugatan ang isa sa dalawang hinihinalang drug pusher sa ikinasang anti-drug operation kamakalawa ng gabi sa Puro Damayan 1, Barangay Ibabang Iyam sa lungsod na ito.
Naka-confine ngayon sa Quezon Medical Center (QMC) dahil sa tama ng bala sa binti at kamay at nahaharap sa iba’t ibang kaso ang suspek na si alyas Toy, 34, may live-in partner at residente ng Purok Talabis sa nasabing barangay. Nakapiit naman sa lock up jail ang kasama nitong si alyas Jef, 61-anyos.
Ayon kay PLt. Col. Dennis De Guzman, ikinasa ng mga operatiba ng CEU na pinamumunuan ni PCapt Benito Nevera ang buy-bust operation laban sa mga suspek dakong alas-6:17 ng gabi.
Habang isinasagawa umano ang transaksyon sa pagitan ng mga suspek at ng poseur buyer na pulis ay nakahalata si alyas Toy at bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng baril mula sa kanyang bag at pinaputukan ang pulis na sa kabutihang palad ay hindi tinamaan.
Nang akmang magre-reload ng bala si alyas Toy ay dito na siya pinaputukan ng back-up ng poseour buyer.
Nakumpiska sa operasyo ang P500 marked money at 6.0 grams shabu na nasa P122, 400.
- Latest