‘Half-cup rice’, itinutulak ng DA
MANILA, Philippines — Umaasa ang Department of Agriculture-PhilRice na makapag-isyu na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang Executive Order (EO) para sa pagpapatupad sa half-cup rice sa pagkain ng bawat mamamayang Pilipino.
Ito ang tugon ng ahensiya kahit na bumaba ang data ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa 255,000 metric tons ang household rice wastage sa bansa noong 2019, mababa ito sa 340,000 metric tons na nasasayang na bigas noong 2009.
Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel na kahit na may improvement sa pagbaba ng nasasayang na bigas, kailangan pa ring umaksyon hinggil dito dahil ang nasasayang na bigas ay dapat sanang maipakain sa 2.8 milyong Pinoy kada taon.
Una nang sinuportahan ni PhilRice Executive Director Dr. John de Leon ang pagpapakain ng maliit na bahagi ng kanin dahil maiiwasan nito ang pagkasayang sa butil at mapapalakas pa ang kalusugan kapag may balanced diet.
Ang masyadong pagkain ng kanin ay nagdudulot ng sakit na diabetes sa Pilipinas. Noong 2021, isa sa 14 na Pinoy ang may sakit na diabetes batay sa ulat ng International Diabetes Federation.
- Latest