EDITORYAL – Ireporma ang BI

BUMAWI ba ang Bureau of Immigration (BI) sa sunud-sunod na kontrobersiyang kinasangkutan kaya agarang sinibak ang pito nilang tauhan dahil sa pagkakasangkot sa pagpapalabas ng bansa ng mga biktima ng human trafficking kamakailan?
Nakagugulat ang ginawa ng BI na biglang pagtanggal sa mga empleyadong nakatalaga sa Terminals 1 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang pitong sinibak ay niimbestigahan kung paano napalabas ng bansa ang mga biktima.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, 30 sa mga biktima ng human trafficking ay nakabalik sa bansa noong Marso 25 lulan ng flight mula Bangkok, Thailand. Na-rescue ang 30 biktima ng National Bureau of Investitation (NBI) mula sa isang crime ring sa Myanmar. Sabi pa ni Viado, sa kabila aniya nang mahigpit na security checks sa NAIA, nakalulusot pa rin ang trafficking victims na nagkukunwaring legitimate tourists. Nagsasagawa na umano ng internal cleansing ang ahensya alinsunod sa utos ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang katiwalian sa mga paliparan sa bansa.
Ayon kay Viado, mula noong 2024, umabot sa 1,093 na Pilipino ang naharang ng BI bago pa maipuslit palabas ng bansa.
Ang pagsibak sa pitong BI personnel ay magandang pangitain na magtutuluy-tuloy ang paglilinis sa Immigration. Hindi sana ito ningas kugon lang sapagkat marami talagang corrupt na opisyal at tauhan sa BI. Inaamin naman ito ni Viado kaya sinusunod niya ang direktiba ng Presidente.
Hindi na maikakaila na ang BI ay mistulang “lungga ng mga buwaya” dahil sa dami ng mga katiwaliang nagaganap. Pera-pera ang galawan sa BI. Sino ang makalilimot sa “pastillas scam” na binulgar ni Sen. Riza Hontiveros ilang taon na ang nakararaan. Tinaguriang “pastillas scam” dahil ang perang sinusuhol ng mga Chinese na illegal na pinapapasok sa bansa ay binibilot na parang pastillas. Ayon kay Hontiveros, P10,000 ang inilalagay bawat Chinese na pumapasok sa bansa. Ang mga Chinese ay nagtrabaho sa POGOs. Sa nakaraang pagdinig ng Senado, sinabi ni Hontiveros na masyado nang “masakit sa taynga” ang korapsiyon sa BI.
Hanggang ngayon din, hindi pa rin naipaliliwanag ng BI kung paano nakalabas ng bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at mga kasama noong Hulyo 2024. Nababalot ng misteryo ang pagtakas nina Guo. Misteryo rin kung paano nakalabas ng bansa si dating Presidential Spokesman Harry Roque.
Magkaroon ng puspusang reporma sa BI. Marami pang tiwali sa BI na kinakailangang malipol upang makawala sa taguring “pugad ng mga buwaya”. Makakaya ito ni Viado.
- Latest