‘NSD’ spirit baon ng Choco Mucho sa semis
MANILA, Philippines — Tataglayin ng Choco Mucho ang kanilang ‘never-say-die’ spirit sa pagsagupa sa Akari sa semifinal round ng 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Flying Titans ang Chargers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at Gazz.Angels sa alas-6:30 ng gabi sa single-round semifinals sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ipinakita ng Choco Mucho ang kanilang ‘never-say-die’ spirit sa 25-15, 12-25, 25-23, 21-25, 15-13 pagsibak sa PLDT sa Game Two ng quarterfinal series nila.
“Same thing din naman sa Ginebra, dati pinapanood ko iyan kahit nalalamangan sila, marami pa ring support,” ani Flying Titans coach Dante Alinsunurin na tagahanga ng Gin Kings.
“Pero ‘yung sa amin, ‘yung never say die namin — every time na may situation, talagang tinatakbuhan namin ‘yung isa’t isa. Kailangan ma-maximize namin kung ano ‘yung puwede naming gawin sa loob ng court, and kung ano ‘yung ine-ensayo namin, sana mapakita namin,” dagdag nito.
Muling gagabayan ni Sisi Rondina ang Choco Mucho kasama sina Royse Tubino, Isa Molde, Maika Ortiz, Cherry Nunag at Mars Alba katapat sina Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Faith Nisperos, Eli Soyud, Ced Domingo at Michelle Cobb ng Akari.
“Kami ang mindset na lang talaga namin, iyon nga sabi niya na every training, every game, magiging better kami,” wika ni Soltones kay Japanese coach Taka Minowa.
- Latest