Gazz Angels huhugot ng experience kay Saet
MANILA, Philippines — Sa kanyang edad na 40-anyos ay bilang na ang taon ng paglalaro ni veteran setter Chie Saet sa Premier Volleyball League (PVL).
Kaya naman inilaban ni Saet, isang UAAP champion setter para sa La Salle Lady Spikers, ang Petro Gazz sa 25-21, 25-19, 25-23 pagsibak sa ZUS Coffee sa Game Three ng kanilang quarterfinals series papasok sa semifinals ng 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference noong Martes.
“Siyempre, happy kasi I’m back inside the court and given the chance again ni coach Koji (Tsuzurabara),” sabi ni Saet. “So I take the responsibility na ibinigay niya para sa akin — para mag-take up inside sa court, magbigay ng maayos, and mag-lead din sa mga teammates.”
Tumapos si Saet, ang UAAP Season 67 (2004) at Season 68 (2005) Best Setter para sa La Salle, na may 20 excellent sets bukod sa limang puntos sa pagsampa ng Gazz Angels sa single-round robin semifinals kasama ang Creamline, Choco Mucho at Akari.
Umiskor ang Thunderbelles ng 25-21, 25-23, 27-25 panalo sa Game One bago nakatabla ang Gazz Angels sa Game Two, 25-19, 25-13, 28-26, para pumuwersa ng ‘do-or-die’ Game Three.
Sa Game Two ay nagtala ang 5-foot-5 na si Saet ng 18 excellent sets bukod sa tatlong puntos.
“Siyempre, bilang ate, ito na lang ‘yung conference na wala kaming championship. So gusto ko rin makuha ‘yung championship this All-Filipino Conference,” ani Saet sa dalawang PVL Reinforced Conference titles ng Petro Gazz.
Hahataw ang semis ng PVL AFC sa Sabado tampok ang pagsagupa ng Gazz Angels sa Cool Smashers sa unang laro kasunod ang upakan ng Flying Titans at Chargers.
- Latest