Mamamayan ang dapat silbihan
SI Patrolman Francis Steve Fontillas ay kakaibang pulis. Noong inaresto si dating Pres. Rodrigo Duterte at dinala sa The Hague, Netherlands, nag-post siya sa social media ng mga matitinding banta laban kay Pres. Bongbong Marcos Jr. pati na rin sa International Criminal Court (ICC) at Interpol.
Aarestuhin daw si Marcos at nagbanta ng digmaan sa ICC at Interpol kung gagalawin si Duterte. Lahat iyan ay sinabi sa kanyang video, habang naka-uniporme.
Mahalaga iyan na ipaliliwanag ko. Sabihin na natin na siya ay isang Diehard Duterte Supporter (DDS). Sana hindi siya ang DDS na tinutukoy sa Davao.
Ayon sa PNP, may “mood swing episodes” si Fontillas noong 2023. Kaya paliwanag ni QCPD spokesperson Police Capt. Febie Madrid, inilagay siya sa administrative work para ma-monitor siya at para matulungan na rin.
Kaya lang, ipinahayag niya ang kanyang mga banta laban kay Marcos, sa ICC at Interpol habang naka-uniporme. Dahil dito, may paglabag siyang ginawa. Kinasuhan siya ng “inciting to sedition” at mga kasong administratibo dahil malinaw na may pinapaborang pulitko na hindi dapat ginagawa ng pulis.
Ang dapat sinisilbihan ng pulis ay ang mamamayan, hindi ang pulitiko. Sa kaso ni Fontillas, malinaw na si Duterte ang mahalaga sa kanya.
Mabigat ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Kaya ang tanong, kung ganyang may “mood swings” pala at malinaw na DDS, dapat pa bang ipagpatuloy ang kanyang pagiging pulis?
Nagpakita si Fontillas sa QCPD at humingi ng tawad habang umiiyak. May isang dating pulis na mahilig ding umiyak na malapit kay Duterte, hindi ba?
Nagpahayag naman si Fontillas na hindi magbibitiw sa puwesto. Paano ngayon iyan? Ano kaya ang gagawin ng PNP sa kasong ito? Kung talagang itutuloy ang “inciting to sedition” at mahatulang may sala, matatanggal din siya sa serbisyo at may kulong pa.
Hindi talaga puwede na may kinikilingan ang pulis. Hindi puwedeng may mas pinapaborang opisyal o pulitiko. Apolitical nga dapat ang PNP, kahit lahat naman ay may kanya-kanyang opinyon pagdating sa pulitika.
Tandaan na ang mamamayan ang dapat sinisilbihan ng PNP, at hindi ang isang pulitiko. Ganundin ang sundalo.
Kaya sa tingin ko, dapat pag-isipang mabuti kung papayagang makauwi si Duterte habang hinihintay ang susunod na magaganap sa The Hague. Baka hindi lang si Fontillas ang may ganyang saloobin sa PNP hinggil sa dating Presidente.
- Latest