EDITORYAL - Linisin ang Bureau of Immigration

Marami nang naging commissioner ang Bureau of Immigration (BI) pero wala ni isa mang nagtangkang linisin ang tanggapan na mistulang naging pugad na ng mga gutom na buwaya. Hindi na nakaahon sa mga usapin na may kinalaman sa pamemera ang tanggapan. Halos lahat ng mga nangyayari sa BI —mula sa pagtakas nina Alice Guo at mga kasama hanggang sa pagtakas ng mga puganteng Koreano kamakailan ay pawang pera ang lumalabas na kumilos. Nakakahiya!
Sa pagdinig ng Senado noong Martes, inamin ng puganteng Koreano na si Na Ikhyeon na sinuhulan niya ng P6 milyon ang mataas na opisyal ng BI at isang police official para makatakas sa Immigration. Ayon sa Koreano, ang BI official ay nagngangalang “Paul” at nag-oopisina sa Intramuros samantalang ang pulis ay nagngangalang “Raul”.
Sabi naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, sinibak na ang dalawang Immigration personnel na nagpatakas sa Koreano. Mariin din niyang sinabi na walang BI official na nagngangalang “Paul”.
Kinumpronta ni Sen. Risa Hontiveros si Viado sa mga nangyayaring korapsiyon sa BI. Sabi ni Hontiveros, masyadong “masakit na sa taynga” ang mga nangyayaring korapsiyon sa Immigration. Noong 2021, ibinulgar ni Hontiveros ang “pastillas scam modus” sa Immigration kung saan walang kahirap-hirap na nakakapasok sa bansa ang mga Chinese na walang travel documents basta maglagay lang ng pera sa mga korap na Immigration personnel. Binibilot na parang pastillas ang perang suhol para hindi mabuking.
Hinamon naman ni Viado si Hontiveros na ipagbigay alam sa kanya ang mga nangyayaring korapsiyon sa BI at willing daw siya na imbestigahan ito. Kailangan daw ay may matibay na ebidensiya bago magsampa ng kaso. Hindi raw dapat mahantong sa fishing expedition.
Habang may mga puganteng Koreano at iba pang dayuhan na “ginagatasan” ng mga korap sa BI, hanggang ngayon naman ay hindi pa natutunton ng tanggapan kung paano nakatakas sina Alice Guo at mga kasama noong Hulyo 18, 2024. Nadakip sa isang mall sa Riau, Indonesia si Shiela at kaibigang Cassanda Li Ong noong Agosto 20, 2024 ng Indonesian immigration at police. Nadakip naman si Alice Guo noong Setyembre 5, 2024 sa Indonesia.
Siyam na buwan na ang nakararaan mula nang makatakas sina Guo at mga kasama, wala pa ring masabi ang BI kung paano nakatakas ang mga ito. Hindi na nakapagtataka kung hindi rin nila nalaman ang paglabas sa bansa ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ngayon ay nasa The Netherlands.
Nangangailangan nang puspusang paglilinis sa BI. Pero sino ang gagawa? Walang aasahan sa mga namumuno para mawasak ang lungga ng mga buwaya.
- Latest