Hiyasmin (221)
“Ano kayang ikinukuwento ng mama mo sa nanay ko?’’ tanong ni Dax kay Hiyasmin.
“Baka ang mga nangyari sa buhay niya. Nakakaluwag ng dibdib ang pagkukuwento ng mga nangyari sa buhay—lalo na kung mabigat ang naranasan.’’
“Baka nga. Walang kakurap-kurap si Nanay habang nakikinig. Mukhang interesting ang pinakikinggan.’’
“Oo nga.’’
Tama ang hula nina Dax at Hiyasmin sapagkat nauwi ang pagkukuwento ni Mama Lira sa nangyari sa kanya sa Kuwait noong naging kasambahay siya.
“Gaya nang nasabi ko Mareng Julia, mapait ang nangyari sa akin sa Kuwait noon pero hindi ko iyon itinuturing na pinakamabigat na pagsubok na naranasan ko. Ginusto ko rin naman kasi iyon. Gaya ng sabi ko, mas mabigat ang nangyari sa akin sa piling ng demonyo. Yung sa Kuwait, hindi ako nagsisisi sa nangyari—minahal ko kasi ang Kuwaiti na anak ng aking amo.”
Napamaang si Nanay Julia. Panibagong kuwento na naman ito ni Mama Lira. Nakinig siya nang buong puso sa inilahad ni Mama Lira.
“Mga 25-anyos ako nang maging kasambahay sa Kuwait. Mababait naman ang amo ko. May pinag-aralan ang amo kong lalaki at babae. Ang amo kong lalaki ay engineer samantalang teacher ang amo kong babae. Dalawa ang anak nila—isang lalaki at isang babae. Ang panganay na lalaki ay 21-anyos at ang babae ay 15-anyos.
“Guwapo at mabait ang lalaking anak ng aking amo—Rashid ang pangalan. At aywan ko ba kung bakit mayroon akong nadamang kakaiba kay Rashid. Umiibig ako sa kanya.”
(Itutuloy)
- Latest