Mayor Along tiniyak na ‘safe space’ ang Caloocan

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na “safe space” o ligtas ang lungsod sa bawat indibiduwal.
Ang paniniyak ay ginawa ni Malapitan kasabay ng pamamahagi ng mga bagong sasakyan at kagamitan sa Caloocan City Police Station at sa Bureau of Fire Protection-Caloocan.
Ayon kay Malapitan, bagong mobile patrol unit at iba’t ibang protective gears kabilang ang ballistic helmet at plates, tactical shields, at ballistic shields tinanggap ng CCPS habang bagong ambulansiya na may state of the art life support apparatus ang tinanggap ng BFP.
Sinabi ni Malapitan na mananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang kaligtasan ng mga Batang Kankaloo.
“Alam po nating hindi lang aksyon laban sa krimen ang kailangan nating gawin upang panatilihing ligtas ang mga Batang Kankaloo. Kasama po diyan ang pagkilos natin upang bawasan ang mga aksidente sa daan, pag-iwas sa mga sakuna, at kahit na ang pagtutok sa kalusugan ng ating mga mamamayan,” ani Malapitan.
“Batid po natin ngayon, mas naging maayos ang ating mga komunidad at kampante ang ating mga mamamayan na sa kahit anong sulok ng lungsod at kahit anong oras pa ng gabi, kampante silang makakauwi sa kani-kanilang mga pamilya. Ang natitira na lang po nating gawin ay mas palakasin pa ang mga programa nating gumagana at i-improve ang mga bagay na kailangang paghusayin pa,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest