High Speed Hitters papalo sa AVC tourney
MANILA, Philippines — Tatlong teams na mula sa Pilipinas ang sasabak sa AVC Women’s Champions League na aarangkada sa Abril sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pormal nang inihayag ang pagpasok ng PLDT High Speed Hitters sa listahan para saluhan ang defending Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference champion Creamline at Petro Gazz sa kampanya sa AVC tournament.
Ibinigay ng Asian Volleyball Confederation ang slot sa High Speed Hitters upang lumobo pa ang mga kalahok sa AVC Women’s Champions League.
Excited na ang High Speed Hitters sa AVC tournament dahil malaki ang maitutulong nito upang mas lalo pang mapalakas ang kanilang tropa.
“Happy naman na masama kasi higher level of competition. Maraming matututunan at makukuhang experience,” ani High Speed Hitters head coach Rald Ricafort.
Nakuha ng High Speed Hitters ang spot dahil sa fourth-place finish nito sa elimination round ng PVL All-Filipino Conference.
Nakatakda ang torneo sa Abril 20 hanggang 27 kung saan darating sa bansa ang matitikas na volleyball teams sa Asya.
Gaya ng Creamline Cool Smashers at Petro Gazz Angels, inaasahang magiging pukpukan na ang paghahanda ng High Speed Hitters upang masiguro na handang-handa ito para sa AVC event
Kumpirmado na ang partisipasyon ng Nakhon Ratchasima QminC ng Thailand at VTV Bình Ði?n Long An ng Vietnam.
Nakatakda ang drawing of lots ngayong araw upang magkaalaman na kung sino ang maghaharap sa bawat grupo.
Maaaring magpasok ng tatlong imports ang bawat team.
- Latest