Mayang (129)
NAGTAKA si Jeffmari nang biglang pumasok sa kuwarto ang kanyang mommy at si Mam Araceli.
“Bakit Mommy?’’ tanong nito.
“Huwag kang maingay, anak. May mga taong gustong pumasok sa bahay natin.”
“Sino?’’
“Masasamang tao!’’ sabi ni Mayang at dinukot sa bulsa ang agimat na ibinigay ni Lolo Nado at ikinuwintas kay Jeffmari.
“Ano ito, Mommy?’’
“Pamprotekta laban sa masasamang tao.’’
Napatango na lang si Jeffmari. Ipinagpatuloy ang paggawa ng assignment na parang walang anuman ang nangyayari.
Nagkatinginan sina Mayang at Mam Araceli.
“Ano kaya ang nangyayari kay Lolo Nado, Mam Araceli?”
“Magtiwala tayo na makakaligtas siya.’’
“Ang iniisip ko ay baka barilin siya, Mam.’’
“May agimat siya. Naniniwala siyang hindi tatablan ng bala, Hiyasmin.’’
“Nasaan na po sina Colonel Buenviaje, Mam?’’
“Tatawagan ko, Mayang. Baka malapit na sila rito.’’
“Sana malapit na sila. Sana bago makapasok dito ang mga tauhan nina Puri at Henry ay dumating sila, Mam.’’
Tinawagan ni Mam Araceli si Colonel Buenviaje.
Samantala, nakaabang sa pintuan si Lolo Nado. Nakahanda siya sa pagpasok ng mga lalaki. Dalawang lalaki ang nakita niya nang pihitin ang door knob. Nang hindi mabuksan, binalya ng mga ito ang pinto. Ilang ulit.
Nang hindi pa rin mabuksan, binaril ang door knob.
Nabuksan.
Nang pumasok ang dalawang lalaki, hinagupit ni Lolo Nado ng bagin na latigo. Tinamaan ang mga ito sa mukha. Napaaray ang mga lalaki.
Isang hagupit pa ang pinakawalan ni Lolo Nado at sapol uli sa mukha at tinamaan ang mga mata. Hindi makakita ang isa sa mga lalaki. Nagpasuling-suling.
Hinagupit ni Lolo Nado ang kasamang lalaki. Pero nahawakan nito ang latigo at hinaltak. Napasubsob si Lolo Nado. Hawak pa rin niya ang latigo. Nagpambuno sila. Napigtas ang agimat na kuwintas ng matanda.
Nanghina siya. Pinukpok siya ng baril sa ulo. Nawalan siya ng malay.
Hanggang sa dumating sina Puri at Henry. Hinanap si Mayang.
“Lumabas ka Mayang!” sigaw ni Puri.
(Itutuloy)
- Latest