^

Bansa

Sa P26.3B badyet (2022-2024): 126 specialty centers itinayo ng Administrasyong Marcos

Philippine Information Agency - Pilipino Star Ngayon
Sa P26.3B badyet (2022-2024): 126 specialty centers itinayo ng Administrasyong Marcos
Sa 40th founding anniversary ng National Kidney Transplant Institute (NKTI) noong Pebrero 6, 2023, nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng patuloy na suporta para sa ospital. Binigyang diin din ni President Marcos ang mahalagang papel ng NKTI sa paglaban sa mga sakit sa bato.

MANILA, Philippines — Itinatag ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 126 functional specialty centers sa buong bansa na pinaglaanan ng kabuuang budget na P26.3 bilyon mula 2022 hanggang 2024.

Noong Agosto 24, 2023, nilagdaan ng Presidente ang RA No. 11959 (Regional Specialty Centers Act) na nagpapaihintulot sa Department of Health (DOH) na magtayo ng mga specialty center sa mga ospital nito at sa mga government-owned and controlled corporation specialty hospitals. 

Prayoridad nito ang mga cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care and kidney transplant, brain and spine care, trauma care, burn care, orthopedic care, physical rehabilitation medicine, infectious disease and tropical medicine, toxicology, mental health, geriatric care, neonatal care, dermatology, eye care, at ear, nose and throat care.

Isang mahalagang kaganapan para kay Pangulong Marcos ang pagkakalunsad ng unang human lung transplant program sa Pilipinas noong Enero 23, 2024. Sinusundan niya ang legasya ng kanyang ama sa pagtatatag ng mga specialty hospital na pinopondohan ng pamahalaan at pagsasakatuparan ng kanyang tungkulin sa mga Pilipino na isaprayoridad ang pangangalagang pangkalusugan.

Noong Enero 23, 2024, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng kauna-unahang lung transplant program ng bansa sa Lung Center of the Philippines (LCP) kung saan pinaalalahanan niya ang mga healthcare professional ng kanilang pangako sa mamamayang Pilipino.
PCO

“Tandaan natin na ang healthcare ay isa nating tungkulin sa mamamayan, isang pangako sa publiko na hindi bunsod ng pulitika o ng pampersonal na proyekto. Sa ospital na ito na nagtrabaho at pinasok ng mga bayani, maging testamento nawa ang programang ito sa ating katungkulang magsilbi sa mga Pilipino,” sabi ng presidente sa paglulunsad ng unang lung transplant program sa bansa sa Lung Center of the Philippines (LCP).

Naitatag ang programa sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng LCP at ng  National Kidney and Transplant Institute (NKTI) noong Nobyembre 2022 para bumuo ng isang lung transplant manual na tutugon sa ilang mga hamon tulad ng kakulangan sa tamang imprastruktura at donor program, limitadong mga bihasang tauhan at kakulangan sa pinansiyal.

“Ang pagtutulungan ng LCP at NKTI ay maaaring maging halimbawa kung paano mapagsasama-sama ng mga ospital ang kanilangn mga resources at magbahaginan ng mga assets para mapag-ibayo ang pag-aalaga sa mga pasyente at mapabuti ang mga ibubunga nito. Naipakita sa paglulunsad ng LCP at NKTI Lung Transplant Program ang patunay sa kasabihan na mas mainam ang dalawang ulo—dalawang ospital- kaysa sa isa,” paglalarawan ng pangulo.

Noong Setyembre 10, 2024, ibinuhos ng presidente ang pondo ng pamahalaan sa mga programang ito. Iginawad ang P185.2 milyon sa LCP, P200.5 milyon sa PHC at 134 milyon sa NKTI. Bukod dito, pinangunahan niya ang inagurasyon sa isa pang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Center sa Philippine Heart Center (PHC) sa Quezon City.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapasinaya ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Center sa Philippine Heart Center na naglalayong magbigay ng agarang serbisyo sa pangangalaga sa mga Pilipino noong Setyembre 10, 2024.
PCO

Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Center

Ipinaliwanag ni President Marcos na ang isang BUCAS Center ay isang pasilidad na pangkalusugan na naglalapit sa mga primary care facilities na tulad ng mga rural health unit o city health center at sa mas matataas na mga institusyong tulad ng mga ospital at specialty medical centers.

Hangarin sa mga center na ito na makaluwag ang mga ospital o medical center na magpapagaan sa service flow of ambulatory–sensitive conditions sa pamamagitan ng mga probisyon ng outpatient healthcare services, kasama ang population-based and individual-based health services, urgent care and ambulatory surgeries.

Ang mga BUCAS centers ay pinamamahalaan ng mga ospital ng DOH. Pinapalawig ang mga oras ng operasyon mga center na ito na higit pa sa karaniwang mga araw at oras ng trabaho at dagdag pang oras sa diskresyon ng parent DOH hospital. Maaari rin itong magbigay ng ancillary services. Magiging bahagi rin ng Health Care Provider Network ang mga BUCAS Center na ito.

“Ngayon, binibigyang-pag-asa natin ang mga Pilipino. Makakaasa silang abot-kamay lang nila ang pagpapagamot dahil sa binuo natin dito sa tinatawag na Bagong Pilipinas. Isaisip natin na ang mga hakbang natin ngayon ay mayroong pangmatagalang epekto. Sa paraang maaaring hindi natin makikita, may mga buhay na magbabago dahil sa ating nagawa,” wika ng presidente.

Nagbabala noong Marso 2024 ang Philippine Society of Nephrology na dumarami ang mga Pilipinong nagkakasakit ng chronic kidney disease (CKD) batay sa datos ng NKTI na, bawat oras, isang Pilipino ang nagkakaroon ng chronic renal failure. Katumbas ito ng 120 Pilipino sa bawat milyong populasyon taon-taon.

Nang maupo siya sa panguluhan, ipinangako ni Pangulong Marcos sa kanyang 2022 State of the Nation Address (SONA) na ipaprayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapatayo ng mga bagong health center at ospital.

“Dapat dalhin natin ang mga serbisyo medikal sa mga mamamayan at hindi na sila hintaying magtungo sa mga ospital at health care centers,” isinaad pa niya sa kanyang talumpati na bumanggit na patuloy na nakikinabang ang mga Pilipino sa PHC, LCP at NKTI na pawang mga specialty medical centers na itinayo noong panahon ng ama niyang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Ibinahagi rin ng presidente ang mga planong maiwaksi na ang pagtungo sa mga lunsod ng mga Pilipino mula sa malalayong lalawigan para makapagpagamot. Inilalapit sa mga mamamayang Pilipino ang may kalidad na healthcare.

“Maglalagay tayo ng mga clinic, mga rural health units na pupuntahan ng mga doktor, nurse, midwife, medtech, isang beses, dalawang beses sa isang linggo—nang sa gayon, magiging mas madali sa may karamdaman na magpapagamot nang hindi na kailangang magbiyahe nang malayo,” wika pa niya.

Lubhang mabigat ang pangakong pagtatatag ng mga critical health unit sa mga malalayong probinsiya para sa isang bansang may matagal nang problema sa sistemang pangkalusugan pero kagyat na kumilos si Pangulong Marcos at, hanggang noong Setyembre 2024, meron nang 31 BUCAS Centers sa buong Pilipinas.

 “Sa 31 naitatag na BUCAS Centers sa buong bansa hanggang noong Setyembre 2024, hindi lang naisasakatuparan natin ang pangako sa loob ng isang gusali kundi pinapalaganap ito sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Handa tayong magresponde, at magbigay ng pangangalaga kahit saan at kahit kailan kailangan,” sambit pa niya sa pasinaya ng BUCAS Center ng PHC noong Setyembre 10, 2024.  Hanggang noong Disyembre 2024, meron nang naitatag na  42 Operational BUCAS centers sa buong bansa.

Pamana ng ama at anak

Kasabay ng paggigiit ng Presidente na ang pagsasakatuparan  ng kanyang pangako sa mga Pilipino ay hindi usapin ng legasya kundi isang  paggampan ng pangako, hindi niya maiwasang gunitain na ang PHC ay matagal nang naging simbolo ng pag-asa at kahusayan sa panggagamot.

“Itinatag noong 1975 sa bisa ng  Presidential Decree No. 673, hangarin ng aking ama na lumikha ng lugar na makapagbibigay ng napakahusay na panggagamot nang may dignidad at pagkalinga. Ang pagsusulong ng aking ina ang nasa likod ng mga specialty centers sa bansa,” sambit pa ng Punong Ehekutibo.

Sa pagharap kay PHC chief Dr. Avenilo Aventura Jr. na ang ama ay siyang unang executive director ng PHC mula 1975 hanggang 1986 sa panahon ni Marcos Sr., kinilala ni Pangulong Marcos ang naiwang legasya ng kanilang mga magulang.

“Kaya ipinapangako natin ngayon na ang mga ginawa ng inyong ama at ng aking mga magulang… Ngayon, dahil tayo na ‘yung mga junior kailangan ‘yung junior kailangan maging kasing productive at kasing constructive ang ating pagsasama at pagtatrabaho kagaya nung ginawa ng ating mga ninuno,” dagdag pa niya.

 


Editor's Note: This press release for the Presidential Communications Office is not covered by Philstar.com's editorial guidelines.


 

PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with