Birchton dinomina ang stakes race
MANILA, Philippines — Dinomina ng Birchton ang mga katunggali upang masungkit ang korona sa 2024 3rd Leg 3-Year-Old Imported/Challenge race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Kalmadong lumarga sa aparato ang Birchton, sinabayan lang muna nito ang Perfect Shot at Summer Rule sa unahan pero makalipas ang ilang metro ay umalagwa na ang winning horse kaya pagsapit ng backstretch ay nakaabante na ito ng apat na kabayo.
Pagsapit ng far turn ay lalong inilayo ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Birchton kaya umabot sa six length ang agwat nito sa mga humahabol pagliko ng huling kurbado.
Kaya sa rektahan ay halos kuha na ng Birchton ang panalo kahit may 200 metro pa bago dumating sa meta.
Tinawid ng Birchton ang finish line ng may walong kabayo ang lamang sa pumangalawang Perfect Shot, habang tersero ang Summer Rule.
Nilista ng Birchton ang tiyempong 2;07 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Felizardo Sevilla ang P600,000 premyo.
Nakopo ng second placer na Perfect Shot ang P225,000, habang napunta ang P125,000 sa pumangatlong Summer Rule.
- Latest