Sen. Go may award sa Siklab
MANILA, Philippines — Matapos kilalaning Godfather of the Year noong nakaraang taon ay ginawaran naman si Senator Christopher “Bong” Go ng Lifetime Achievement Award sa 4th Siklab Youth Sports Awards noong nakaraang Huwebes sa Market! Market! Activity Center, Ayala Malls, BGC sa Taguig City.
Solidong suporta ang ibinigay ni Go sa Philippine Sports Commission (PSC) na nagresulta sa kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa mula kay weightlifter Hidilyn Diaz sa Tokyo, Japan.
At ngayong taon sa Paris Olympics ay ang makasaysayang double gold ni gymnast Carlos Edriel Yuo bukod sa dalawang bronze nina Pinay boxers Nesthy Petecio at Aira Villega.
“I’m so proud and of course sa ating PSC, na sa panahon ko bilang Chairman ng (Senate) Committee on Sports, nakakuha tayo ng unang Olympic gold kay Hidylin Diaz... and ngayon history naman po na naka twin gold tayo kay Carlos Yulo at kay Nesty Petecio and kay Aira Villegas,” sabi ni Go.
Tiniyak ng Senador na patuloy niyang tutulungan ang PSC sa pagpapasa ng taunang pondo nito para sa mga national athletes.
Ang Siklab Youth Sports Awards ay isang pioneering event sa bansa na kumikilala sa mga bagitong atleta na bumida sa kanilang mga events.
Binibigyan din ng pagkilala ng Siklab Youth Sports Awards ang mga batang atletang nagwagi sa mga international competitions.
Kabuuang 85 batang atleta ang ginawaran ng award ng Siklab Youth Sports ngayong taon.
- Latest