Pananalasa itutuloy ng Gilas sa Hong Kong
MANILA, Philippines — Walang planong magpaawat ang Gilas Pilipinas kontra sa Hong Kong upang makasikwat na ng tiket sa 2025 FIBA Asia Cup ngayon sa pagtatapos ng ikalawang window ng Asia Cup Qualifiers sa Mall of Asia Arena.
Nakatakda ang sagupaan sa alas-7:30 ng gabi tampok ang siguradong puwesto sa continental tournament para sa Gilas kung mananalo uli kasunod ng makasaysayang tagumpay kontra sa New Zealand.
Paborito ang Gilas sa laban matapos ang kumbisidong 94-64 panalo kontra sa Hong Kong sa homecourt nito sa unang window noong Pebrero.
Bukod pa dito ang malaking momentum na sasakyan ng Nationals ang kauna-unahang panalo kontra sa Tall Blacks, 93-89, noong Huwebes sa parehong venue upang masolo ang liderato sa Group B hawak ang 3-0 kartada.
Ito ang pinakabagong panalo ng world No. 34 na Gilas kontra sa mas bigating mga koponan matapos ding patumbahin ang world No. 6 na Latvia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament ngayong taon.
“I mean that’s we are here for, right? To try to win this type of games,” ani Cone matapos gibain ang world No. 22 na New Zealand.
Sa kabilang banda, nanatiling walang panalo ang Hong Kong matapos ang 85-55 kabiguan kontra sa Chinese Taipei (1-2) para sa 0-3 kartada papasok sa duwelo kontra sa Gilas.
- Latest