Mayor Javi at MTRCB, nagsanib-pwersa para sa responsableng panonood
MANILA, Philippines — Matagumpay na idinaos ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, ang tatlong araw na Responsableng Panonood (RP) seminar sa Negros Occidental.
Ginanap ang makasaysayang okasyon sa mga lungsod ng Bacolod, Cadiz at Victorias noong Nob. 15-17, 2024, na sumentro sa Responsableng Panonood ng MTRCB.
Ito’y hakbang para mahikayat ang mga magulang na maging aktibo sa paggabay sa mga gawain ng bata, partikular ang paggamit ng media. Umabot sa 587 ang lumahok sa seminar.
Kasama ni Sotto-Antonio sina MTRCB Board Members (BMs) Maria Carmen Musngi (retiradong guro sa Ateneo de Manila University), Katrina Angela Ebarle (kilalang video editor), Lillian Ng Gui (eksperto sa sikolohiya), Eloisa Matias (respetadong event producer), Atty. Frances Hellene Abella at Neal Del Rosario (sikat na director sa pelikula at telebisyon).
Kasamang sumuporta sina BMs Glenn Patricio at Joey Alberto.
Unang nagtungo ang MTRCB sa Negros Occidental High School sa Bacolod. Nasa 138 na guro at estudyante ang lumahok para lasapin ang benepisyo ng tamang gabay ng panonood ng bata sa mga palabas sa telebisyon at sinehan. Mula Bacolod, tumuloy ang MTRCB sa Cadiz para sa kahalintulad na seminar sa harap ng 250 guro, estudyante at kawani ng LGU.
“Sobrang napapanahon ang pagpunta ng MTRCB sa aming lugar para maturuan kami sa tamang paggamit ng media at angkop na paggabay sa ating mga anak at kabataan,” sabi ni Councilor Kathrina Kaye Gustilo ng Cadiz. Pinangunahan naman ni Mayor Javier Miguel Benitez ang seminar sa Victorias na nagpokus sa mga karanasan ng bata sa paggamit ng digital platforms. Ipinaliwanag din ang MTRCB descriptors at hakbang sa digital parenting.
“Ating hikayatin ang bawat isa na maging aktibo sa responsableng paggamit ng media para sa kapakanan ng ating mga kabataan,” sabi ni Benitez.
Lumagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sina Benitez at Sotto-Antonio para sa tuluyang pagsulong ng Responsableng Panonood sa Cadiz. Binigyang-diin ni Sotto-Antonio ang papel ng bawat magulang at nakakatanda pagdating sa responsableng paggabay sa mga bata sa pagpili ng palabas na angkop sa kanilang edad.
“Napakahalaga po ng partisipasyon ng mga magulang sa paghubog sa tamang kaisipan ng ating mga anak,” sabi ni Sotto-Antonio. “Tayo, bilang mga magulang at guardian, ang magsisilbing unang proteksyon ng mga bata laban sa mga mapanganib na content sa pelikula, telebisyon o social media na posibleng makaapekto sa musmos nilang kaisipan.”
- Latest