UE inilusot ni Lingolingo
MANILA, Philippines — Patuloy ang nagliliyab na laro ng University of the East matapos irehistro ang five-game winning streak nang takasan nila ang Adamson University, 63-62 sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Isa sa maiinit na teams ang UE, at pinainit pa ito lalo ni Wello Lingolingo na sumalpak ng game-winning points matapos mahablot ang bola mula sa mintis ng kakamping si Nico Mulingtapang.
Natisod sa unang dalawang laro ang Recto-based squad sa University of Sto. Tomas Growling Tigers, 55-70 at last year’s runner-up University of the Philippines Fighting Maroons, 71-81.
Agad na nakabalik sa porma ang UE, kinadena ang limang sunod na panalo, kabilang sa biktima ng Red Warriors ang defending champions De La Salle University Green Archers, 75-71 noong Setyembre 22.
Si Nigerian center Precious Momowei ang namuno sa puntusan habang si Lingolingo ang kumana ng clutch win.
Papaubos na ang oras ng isalpak ni Lingolingo ang panelyong pabandang tira para ikahon ng Red Warriors ang panalo.
“Sinasabi ni coach Jack (Santiago) na hindi dapat hinahanap ‘yung laro, hayaan mo ‘yung laro ‘yung pupunta sayo. ‘Yun lang yung ginagawa ko wala akong tinitake na forced shot. ‘Yung game-winning shot hindi ko talaga ini-expect, parang nandoon lang talaga ako tapos na-make ko lang salamat kay God,” ani Lingolingo.
Lumakas ang kapit ng Red Warriors sa top four, tangan nila ang 5-2 record habang laglag sa pang-lima ang Soaring Falcons na may 3-4 card.
Tumikada si Momowei ng 14 markers, 11 rebounds, tatlong steals at isang block para sa UE habang 11 naman ang kinana ni Devin Fikes.
- Latest