Generals tinapos ang dominasyon ng Red Lions
MANILA, Philippines — Tinapos ng Emilio Aguinaldo College ang 27-game losing skid sa nagdedepensang San Beda University mula sa 68-55 tagumpay sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Ito ang unang panalo ng Generals matapos ang 0-2 simula at kauna-unahan laban sa Red Lions, laglag sa 2-2, simula nang sumali sa liga noong 2009.
“We just want to bounce back after a disappointing performance against CSB,” ani coach Jerson Cabiltes sa kanyang tropa na yumukod sa St. Benilde Blazers, 55-77, noong Setyembre 14.
Una at huling lumamang ang San Beda sa 2-0 bago humataw ang EAC para isara ang first half bitbit ang 36-23 bentahe patungo sa 54-28 lead sa 3:34 minuto ng third period.
Nagmula ito sa isang 18-5 atake ng Generals tampok ang limang there-point shots nina Harvey Pagsanjan, JC Luciano at King Gurtiza.
Tuluyan nang inilugmok ng Generals ang Red Lions sa 68-40 sa huling 6:01 minuto ng final canto.
Sa unang laro, kumamada si Pao Javillonar ng career-best 28 points para gabayan ang Letran College sa 86-79 paggupo sa Arellano University.
Ito ang unang laro ng 6-foot-5 veteran forward matapos patawan ng two-game suspension dahil sa paglalaro para sa Converge sa 39th Kadayawan Invitational Basketball Tournament sa Davao City noong Hulyo.
Inilista ng Knights ang back-to-back wins para sa 2-1 at ibinagsak ang Chiefs sa 0-3.
- Latest