Manhunt ops vs Roque inilarga na rin ng PNP
MANILA, Philippines — Pinaigting pa ang manhunt operation kay dating Presidential spokesperson Harry Roque matapos sumabak na rin sa pagtugis ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) laban dito na idineklarang pugante ng Quad Committee ng Kamara.
“The PNP is now fully engaged in the manhunt for Atty. Harry Roque, and we are coordinating closely with the National Capital Region Police Office and the Criminal Investigation and Detection Group to ensure his swift apprehension,” pahayag ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, co-chair ng Quad Committee.
Pinatawan ng contempt si Roque sa ikalawang pagkakataon noong Huwebes matapos hindi dumalo sa pagdinig kaugnay sa ilegal na operasyon ng POGOs.
Si Roque ay sinilbihan ng arrest order sa tanggapan nito sa Makati City pero hindi ito natagpuan sa lugar na pinaniniwalaang nagtatago na sa mga awtoridad.
Huling nakita si Roque sa Antel Corporation Centre sa Makati City. Nagsususpetsa naman ang mga awtoridad, na nagtatago si Roque ngayong unti-unti nang nabubulgar ang koneksyon nito sa Lucky South 99, ang POGO hub na ni-raid sa Porac, Pampanga na nakumpiskahan ng bulto ng droga.
Kabilang sa ipinasusumite ng Quad Comm kay Roque ang kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth, rekord ng Biancham Holdings na pag-aari ng kaniyang pamilya gayundin ang dokumento sa pinagbentahan nito ng lupain sa Parañaque City.
Una nang kinuwestiyon ni Batangas Rep. Gerville Luistro si Roque kung paano lumobo ang investment nito ng P67 milyon sa loob lang ng ilang buwan gayong P3-M lamang ang ipinasok nitong pamumuhunan habang ang pinagbentahan ng lupain sa Parañaque ay nasa P7-M lamang.
- Latest