Patay kay Enteng, 20 na
MANILA, Philippines — Lumobo na sa 20 katao ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyong Enteng sa mga naapektuhan nitong lugar sa bansa.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 18 katao ang nasugatan habang 26 pa ang patuloy na pinaghahanap kabilang ang ilang mga mangingisda na pumalaot at inabutan ng sama ng panahon sa karagatan.
Ayon sa NDRRMC, ang bagyong Enteng ay nakaapekto sa 675, 428 pamilya o 2,394,169 indibidwal.
Nasa 7,046 kabahayan naman ang napinsala sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Samantalang nasa P657,981,684 sa sektor ng agrikultura ang napinsala habang P675,256,168 sa imprastraktura.
Naitala naman sa 171 mga kalsada at 32 tulay ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo.
Ang bagyong Enteng ay nagdulot ng matitinding pagbaha sa Metro Manila at CALABARZON gayundin sa Central Luzon at Visayas Region.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng lokal at pamahalaang nasyonal sa mga naapektuhang pamilya.
- Latest