Quezon City nagtala ng unang kaso ng mpox
MANILA, Philippines — Nagtala ang Quezon City Government nang unang kaso ng mpox (monkeypox), isang linggo makaraang iulat ng Department of Health (DOH) ang unang kaso nito sa bansa ngayong taon.
Ang naturang pasyente ay 37-anyos na lalaki na taga-QC ay kasalukuyang naka–admit sa San Lazaro Hospital.
Nagsimula itong kakitaan ng sintomas sa naturang sakit noong August 16, 2024 at na-admit sa naturang ospital makaraan ang anim na araw.
Noong August 26 napatunayan sa naisumiteng specimen ng pasyente na dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibong ito ay may mpox.
Batay sa initial case investigation na iniulat ng Quezon City Health Department’s (QCHD) Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), ang naturang pasyente ay may nagdaang local travel history.
“Sa ngayon, mahigpit nating binabantayan ang kalagayan ng residente. Natukoy na rin natin ang 15 contacts niya at patuloy natin silang mino-monitor,” sabi ni QC Mayor Joy Belmonte.
Bukod sa unang mpox case sa QC, patuloy ang monitoring ng QCESD sa contacts na na-exposed mula sa Infinity Spa and Fahrenheit Club (F Club) na pawang naipasara ng lokal na pamahalaan. Sa Infinity Spa nagpamasahe ang isang lalaki na hindi taga QC ang napatunayang may Mpox. Ang F club naman ay tumangging makipag-tulungan sa lokal na pamahalaan para magsagawa ng contact tracing. Ang dalawang establisimiento ay magkatabi sa E Rodriguez QC.
Bunga ng unang mpox case sa QC, higit na pinaigting ng QC LGU ang , prevention, control, at response protocols. Sumailalim din ang lahat ng Health workers ng QC sa orientation sa reporting at handling mpox cases.
Kaugnay nito, nanawagan si Mayor Belmonte sa lahat ng establishment owners na makipag-tulungan at mag-comply sa city’s contact tracing efforts upang mapigilan ang paglaganap ng naturang sakit sa lungsod.
- Latest