Elasto Painters ipininta ang 4-0 record
MANILA, Philippines — Bumangon ang Rain or Shine mula sa double-digit deficit sa first half para resbakan ang Phoenix, 116-99, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Umiskor si import Aaron Fuller ng 28 points para tulungan ang Elasto Painters na maipinta ang perpektong 4-0 record.
Ito ang best start ng mga bataan ni coach Yeng Guiao na nailista rin nila noong 2012 PBA Governors’ Cup na kanilang pinagharian.
Iniskor naman ni Adrian Nocom ang 19 sa kanyang 21 markers sa second period na nagbangon sa kanila mula sa 13-25 pagkakaiwan sa first quarter.
Nag-ambag si Jhonard Clarito ng 15 points at may 13 markers si Andre Caracut.
Naglaro ang Fuel Masters na walang import at nahulog sa 0-3.
Nagtabla sa 55-55 ang dalawang tropa sa halftime bago nakawala ang Rain or Shine sa third period bitbit ang 84-76 abante.
Lalo pang nabaon ang Phoenix sa 96-116 sa huling 1:10 minuto ng final canto matapos ang three-point shot ni rookie Caelan Tiongson.
Samantala, mag-uunahan sa pagbangon mula sa pagkatalo ang San Miguel (2-1) at NLEX (2-1) ngayong alas-6 ng gabi sa Cagayan de Oro City.
Nakalasap ang Beermen ng 102-108 kabiguan sa Barangay Ginebra Gin Kings, habang yumukod naman ang Road Warriors sa Elasto Painters, 105-124, sa kanilang mga huling laro.
- Latest