DOJ pasok na sa banana scam
MANILA, Philippines - Hawak na ng Department of Justice (DOJ) ang nilalaman ng joint venture agreement sa pagitan ng banana exporter na Tagum Agricultural Development Co. Inc. (Tadeco) at Bureau of Corrections (Bucor) hinggil sa long-term lease sa 5,308-ektaryang ari-arian sa Davao Penal Colony.
Ito’y matapos matanggap ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang liham ni House Speaker Pantaleon Alvarez na humihingi ng legal na opinyon sa nasabing usapin.
Ayon sa DOJ, nais ni Speaker Alvarez na malaman ang legal status sa mahigit 5,300 ektarya sa loob ng Davao Penal Colony (DaPeCol) na inupahan ng Tadeco na pagmamay-ari ni Davao del Norte Rep. Tony Floirendo.
Sinabi pa ng kalihim na bubuo ng panel o fact-finding team ang DOJ para bumusisi sa legalidad ng pinasok na kontrata ng BuCor sa Tadeco. Nauna nang hinikayat ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang administrasyong Duterte na rebisahin at pag-aralan ang nilalaman ng joint venture agreement sa pagitan ng banana exporter na Tadeco at Bucor sa long-term lease sa 5,308 ektaryang ari-arian sa Davao Penal Colony.
Sinabi ni VACC founding chair Dante Jimenez na luging-lugi ang gobyerno sa kasunduan sa pagpapaupa ng lupain at sa hatian ng tubo na nilagdaan noong May 2003. Sa ilalim ng 25-year joint venture agreement na magtatapos pa sa 2028, nangako lamang ang Tadeco na magbabayad sa BuCor ng P26.541 milyon bawat taon o upa na umaabot lamang sa P5,000 bawat ektarya.
Itinakda rin ng Tadeco ang parte ng gobyerno mula sa kanilang banana export sa presyong P1.3258 bawat kahon o 0.22 percent sa bawat kahon ng saging na may average price na P600 kada kahon. Sa tinatayang taunang benta na 30-milyong kahon kada taon, mapupunta lamang sa gobyenro ang nasa P40.584 milyon, kumpara sa taunang kita ng Tadeco na P18-bilyon.
Dapat aniya, na nasa P1-bilyon ang nakukuhang renta ng gobyerno at P900 milyon ang kabahagi nito sa tubo kada taon mula sa Tadeco. Suportado ng VACC ang isinulong ni Speaker Alvarez na reklamo kahit kaalyado pa sa pulitika o personal na kaibigan ang nakabangga.
- Latest