Pulis patay sa heat stroke
MANILA, Philippines - Pasimula pa lamang ang matindng init ngayong summer ay umiskor na ito ng buhay ng isang miyembro ng Manila Police District (MPD) na sinasabing inatake ng heat stroke, habang nasa Lawton Police Community Precinct (PCP) sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Idineklarang dead-on-arrival sa kalapit na Medical Center Manila (MCM) si PO3 Leo Marcelo, 37, at tubong Kalinga, Apayao.
Sa ulat ni SPO2 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang atakehin ng paninikip ng dibdib ang biktima habang nakaupo sa bench ng PCP.
Nang mga oras na iyon ay kasama ng biktima si PO1 Lorren Hope Lardizabal kaya napansin siyang umaangal sa paninikip ng dibdib.
Sinabihan ni Lardizabal ang biktima na mas mabuting magpakonsulta sa doktor, na sa halip na magtungo sa ospital ay nagtungo na lamang umano sa tindahan at bumili ng bottled water.
Maging ang vendor na nagbenta ng tubig ay sinabihan din ng biktima na masakit at naninikip ang kaniyang dibdib.
Nakita pang nakaupo sa cooler ang biktima na umiinom ng biniling tubig hanggang sa biglang bumagsak ito ng walang malay.
Mabilis namang sumaklolo si Lardizabal at isinakay sa mobile car para dalhin sa ospital.
Nabatid na kahit off duty na ang biktima ay hindi ito umaalis sa PCP dahil wala namang matuluyan sa Maynila.
- Latest