FULL TEXT: Former President Aquino on Mamasapano
Nangako po akong manahimik ng isang taon. Pero nitong Martes, nagsalita si Pangulong Duterte. Sa pakiwari ko: Tama lang po na tumugon ako.
Sa Mindanao, may pinag-uusapang konsepto ng pintakasi, kung saan pag siguradong lamang sa bilang ng tao at dami ng armas ang kalaban, kukuyugin nila ang papasok, na kadalasa’y puwersa ng gobyerno.
Muntik na ngang mangyari ang pintakasi noong 2013, sa Maguindanao rin; dahil nga nakaresponde ang mechanized units ng AFP para suportahan ang PNP, nahinto ang napipintong pintakasi. Malinaw sa akin ang konseptong ito, bago pa man ang naging briefing na ginawa ni Ginoong Napeñas.
Kaya po nung iprinesenta ni Ginoong Napeñas ang Oplan Exodus, kung saan gagamit daw siya ng 160 Seaborne operatives, na haharap sa higit 3,000 na potensyal na armadong kalaban, kaagad na pumasok sa isip kong pwedeng ma-pintakasi ang sasabak na SAF. Kaya inutusan ko si Napeñas na kailangan niyang makipag-coordinate sa AFP para maihanda ang mechanized units, artillery, eroplano, tao at iba pang assets na kailangan para hindi mangyari ang pintakasi. Sagot ni Mr. Napeñas: “Yes, sir.” Matapos ang imbestigasyon, lumabas na wala palang 160 ang Seaborne. Higit 70 lang ang bilang nila at 54 sa kanila ang operators.
Dagdag pa ni Napeñas, mangyayari ang coordination kapag moving na raw sila. Tumanggi ako dito; sabi ko, kailangang may sapat at supisyenteng araw para maiposisyon ang lahat ng assets. Ang sagot na naman niya: “Yes, sir.”
Alam na po natin ang nangyari: Ang atas para mag-coordinate na dapat “days before”, naging “time after target,” gaya ng sinabi na rin ng Senate Committee Report. Dahil walang coordination, ang AFP, nagkandarapa, dahil yung mga detalyeng dapat alam nila, gaya ng sino ang tutulungan at saan, saka pa lang nila inaalam.
Hindi ko maiwasang isipin: Kung sinunod lang ang lohikal at legal kong utos, hindi mangyayari ang trahedya sa Mamasapano.
Narito naman po ilang paglilinaw:
1. Bakit ipinadala ang SAF when SAF is geared—organized and geared into the service to meet the challenges of urban terrorism?
Kahapon nga po, pinuntahan namin ang website ng PNP-SAF. Nakalagay sa umpisa pa lang sa mission statement ng SAF: “To conduct operations as a Rapid Deployment Force anywhere in the country specifically in situations with national and international implication in the areas of Hostage Rescue; Commando-Type Unconventional Warfare; Search and Rescue in times of calamities and disasters; Civil Disturbance Management during national emergency; and other special operations.”
Idiin ko po ang: “anywhere in the country.”
Klaro po, hindi limitado ang operasyon ng SAF sa urban areas. Sa SAF rin po, sa pagkakaalam ko, at batay na rin sa isang dating direktor nila, ang unang kursong tinuturo sa kanila ay tinatawag na commando course. Pang-counter insurgency po ito, at ang insurgency po natin, nasa rural areas.
Dagdag ko pa po, ang briefing sa akin ni Napeñas, itong Seaborne ang elite sa elite ng mga pulis, na kasing husay ang training at kasing suportado ng pinaka-elite unit ng AFP na Light Reaction Regiment.
2. Bakit hindi ginamit ang Army?
Bukod sa nabanggit ko sa taas, dahil inutos kong makipag-coordinate, magiging AFP-PNP Joint Operation ang misyon sa Mamasapano.
Ang PNP ang namuno sa operasyon dahil sila ang nakahanap ng tinatawag na actionable intelligence. Paalala ko lang rin po: Law enforcement operation ang pinapatupad natin dito, at inaaksyunan natin ang warrant of arrest kina Marwan at Usman. Alam po natin, PNP ang may police power at may tungkuling ipatupad ang arrest warrant.
3. Ano ang naging papel ng US sa operasyon?
Wala po akong Amerikanong nakausap ukol sa operasyon bago ito maisagawa at habang ito’y isinasagawa sa Mamasapano. Sa pagkakaunawa ko po, tumulong ang Estados Unidos doon sa equipment at hardware na pinanggalingan ng intelligence.
Bago pa man ang panahon ko, tumutulong na ang Estados Unidos sa ating mga operasyon. Ang sa akin, Pilipino ang mga kausap ko. Pilipino ang nagbibigay-ulat sa akin, at Pilipino ang nagsagawa ng misyon. Ultimong asset na nakalapit kina Marwan, asset ng ating gobyerno.
4. Si (Presidential Peace Adviser) Ging Deles daw ang nagpigil sa akin na magpadala ng air assets:
Bago ang lahat, wala po yatang kinalaman si Secretary Ging Deles sa naging misyon dahil iyon po ay isang law enforcement operation.
Sinasabi pang makakaapekto daw sa peace process sa MILF. Fact po: MILF counterpart pa nga ang unang nagsabi kay Gen. Galvez, ang GPH-CCCH chairman, ukol sa bakbakan sa Mamasapano.
5. So why did you enter into an operation which was really placing in jeopardy the lives, because at the end of the day, you would have decided not to send anymore?
Mali po ang premise na papapasukin ko sila at bahala na sila sa buhay nila. May mga testigo, kung saan idiniin kong dapat makipag-coordinate ang PNP sa AFP, at ang koordinasyon, dapat ilang araw bago ipatupad ang operasyon.
Delikado sina Marwan at Usman—gumagawa sila ng mga IED na makakapinsala ng napakaraming Pilipino. Si Marwan mismo, sangkot sa Bali bombing nung 2002.
Kung nangyari ang mga inutos ko na koordinasyon, kung naihanda sana ang lahat ng tulong na maaaring ibigay ng AFP para sa SAF, hindi dapat malalagay sa peligro ang buhay ng ating mga pulis.
Sagutin ko na rin po nang minsanan, sa usaping “Kung ikaw ang nandoon, ano ang dapat gawin?,” na sinabi ni President Duterte. Nung nasa Zamboanga kami, sinabihan akong pagabi na; mahihirapan nang mag-link up ang mga tropa; at bukas na lang itutuloy ang pagsaklolo sa kanila. Doon ako sumagot: “Kung ikaw ang nandoon, okay ba sa iyo yan? Buong araw na silang nakikipagbakbakan; malamang wala na silang bala. Gamitin ninyo lahat ng assets. Ituloy ito at i-rescue sila. Ang minimum na ireport ninyo sa akin, na-resupply sila.”
Inatasan ko ang mga opisyal ng AFP at PNP na gawin ang lahat para sa objective nilang mailigtas ang SAF.
6. Sa kung sino ang nakatanggap ng 5 million dollars na reward mula sa US:
Hindi po natin masabi, dahil hindi naman po natin reward ito. Sa totoo lang ho, hindi na rin tayo nakialam sa reward.
7. Bakit dadalawa lang ang nabigyan ng PNP Medal of Valor?
Ang paggawad po ng mga parangal na ito ay dumadaan sa isang proseso; nakabase ito sa rekomendasyon ng isang board ng PNP. Nabanggit naman po ni Pangulong Duterte na muli niyang pinapaaral ang paggawad ng Medal of Valor para sa lahat ng SAF na nasawi. Pareho naman ang prosesong pinagdaanan namin; kung may makita siyang paraan para mabigyan ang lahat, sang-ayon kami rito.
Sa pagtatapos, kung may kasalanan po ako bilang Pangulo nung panahong iyon, ito po: ni minsan, hindi pumasok sa isip kong magagawa ni Napeñas na magsinungaling sa Pangulo ng Pilipinas. Pinagkatiwalaan ko ang isang two-star police officer, na ako pa mismo ang nagpromote. Naniwala akong itong graduate ng PMA ay tatalima sa values ng paaralan na “Courage, Integrity, Loyalty.”
- Latest
- Trending