Ang Magkapatid (44)
HINDI mapakali si Ada habang nagsi-xerox. Ang misteryosong lalaki pa rin ang nasa isip niya. Bakit ayaw silang tigilan ng lalaking iyon? Ano ang gusto nito? Matagal nang panahon na sinusubaybayan sila ng lalaki at wala siyang alam na dahilan. Lumalaki ang hinala niya na ang kanilang walang kuwentang ama ang nasa likod ng pagsubaybay ng lalaki. Kung bakit ay hindi niya alam. Bakit pa kaya sila pasusubaybayan gayung wala naman itong nagawa para sa kanila. Inabandona sila at walang ginawa para sila matulungan.
Ipinagtapat niya iyon sa kanyang Kuya Ipe. Kailangang malaman nito ang mga nangyayari.
“Hinabol ko ang lalaki pero hindi ko inabutan, Kuya.’’
“Sana, hindi mo na hinabol. Pinagod mo pa ang sarili mo.’’
“Gusto ko kasing malaman kung bakit patuloy niya tayong sinusubaybayan.’’
“Basta wala namang ginagawa sa iyo e hayaan mo na.’’
“Hindi ko natiis na hindi habulin. Tinawag ko nang ilang beses pero mabilis na nakalayo.’’
“Sa sunod, huwag mo nang pag-aksayaan nang panahon maliban na lang kung may gagawing masama. Tumawag ka sa kapitbahay.’’
“Oo Kuya. Sayang at wala si Ninang Karla. Kung narito siya, tiyak na hahabulin ang lalaki.’’
“Siyanga pala, akala ko uuwi na si Tita Karla.’’
“Baka next month na raw. Kasi’y parang pinipigilan siya ng amo.’’
“Sana narito na siya sa paglabas ng result ng CPA exam. Mas masaya kung narito siya.’’
“Sana nga Kuya. Baka naman narito na siya.’’
Napangiti na lang si Ipe.
ISANG araw, naglalakad si Ada papasok sa school nang may tumawag sa kanya.
“Ada, sabay na tayo!’’
Nang lingunin niya ay si Gemo. Yung humabol sa lalaking nakikita lagi ni Ada.
“Kumusta Ada?’’
“Lagi naman tayong nagkikita sa classroom ah, ba’t mo ako kinukumusta?’’
“Ang taray mo naman. Kukumustahin ko lang kung nakita mo na uli ang lalaking hinahabol mo nung isang araw.’’
“Hindi!’’
“Sino ba ‘yun, Ada?’’
“Hindi ko nga kilala. Kung kilala ko ba, hahabulin ko?’’
Napakamot sa ulo si Gemo. Mainit ang ulo ni Ada.
(Itutuloy)
- Latest