MANILA, Philippines - Presidential aspirant Sen. Grace Poe and her running mate Sen. Francis "Chiz" Escudero on Thursday bared their senatorial lineup for the 2016 elections.
In her speech, Poe explained how the senatorial slate was formed.
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Alam n'yo po tatlong taon lamang ang nakalipas nang kami ni Sen. Chiz ay narito rin nung kami ay tumakbo nung 2013 bilang senador. Talagang nakaka-nerbyos lalo na sa isang katulad ko na bago pa lang sa pagpasok, sa pagtakbo. Narinig na po ninyo ang sinabi ng ating mga kandidato. Marahil ay nag-iisip pa rin kayo kung papaano natin silang napili, papaano natin silang inimbitahan at kami ay nagpapasalamat na sila ay sumama sa atin. Sa pagbuo po ng grupong ito, naging gabay ko po ang paniniwala na hindi sapat na magaling at matalino ka upang manilbihan sa gobyerno. Importante ang may puso at pagmamalasakit sa kapwa lalong-lalo na ang mga naghihirap at nangangailangan. Pero syempre hindi rin naman pwede na puso lamang. Kailangan mahusay at higit sa lahat ay masipag ka din. Kaya po tinawag natin ang grupong "Partido Galing at Puso."
Naniniwala kami na dapat may angking galing at pagmamalasakit sa kapwa upang manilbihan nang tama sa bayan at ayusin ang Pilipinas na walang iwanan. Hindi kaya ng isang pangulo na lutasin ang lahat ng ating mga suliranin na nagpatong-patong na nang ilang dekada. Kailangan 'yan ng mga katuwang sa pagsulong ng repormang tunay na pagbabago. Sinuri po nating maigi ang track record at posisyon sa bawat isyu ng ating mga inimbita. Nais ko pong ipamahagi sa inyo ang pagkilala ko sa kanila. Alam ko narinin na ninyo pero ito'y magkahalong personal at pag-aaral sa kanilang mga nagawa para sa bayan.
Ang una nating babanggitin ay isang magaling at disente na lingkod-bayan mula sa Pasig. Galing po siya sa mga angkan ng bukod-tanging lingkod-bayan sa bansa. Sabi nga natin, siya nga alam natin ay apo ni General Carlos P. Romulo na pinag-aaralan natin hanggang ngayon dahil sa kanyang talino at pagiging magaling sa gobyernong pagserbisyo sa tao. Siya rin po ay anak ni Sen. Alberto Romulo. Siya po ang ama ng Iskolar ng Bayan at UniFAST law sa Kongreso na ipinasa na. Kakailanganin ko po ang tulong ng isang tilad niya na ipinaglalaban ang kapakanan ng mga kabataan para sa edukasyon dahil tayo ay may karapatan na mag-aral. Kung mag-aaral kang mabuti, mayroon ka nang puhunan sa kinabukasan, Congressman Roman Romulo.
Ang kasunod naman ay isang babaeng kilala sa kanyang tapang at talino, sabi nga natin. Isa po siyang abogada at guest candidate po mula sa Aksyon Demokratiko. Siya po ay naging estudyante o naging mentor po niya ang isang napakagaling na senador na si Sen. Raul Roco. Kaya patuloy niyang ipinaglalaban ang karapatan ng mga kababaihan sa lahat ng kailangan nila sa ating lipunan at tulad ni Sen. Roco itinuloy niya ang laban para sa karapatan ng mga kabataan. Siya po ay karapat-dapat, sabi nga natin, at may tunay na "K," Atty. Lorna Kapunan.
Ito namang susunod na 'to talaga namang hindi na kailangan ng introduksyon. Siya po ay sikat na sikat at sure na maraming gustong bumalik siya sa Senado. Nangunguna siya sa maraming mga kababayan natin sa pagpili. Siya po ay malapit na kaibigan ng aking tatay at tama nga po siya. Kung nabubuhay si FPJ ngayon, sasabihin, "Dapat magkasama kayo ni Tito Sen." Siya po ang tumulong sa akin nung ako ang naging kauna-unahang babaeng chairman ng Public Order and Dangerous Drugs. Dahil sa kanya, marami tayong nagawa, napag-imbestiga para sa ating mga kapulisan, para sa kanilang serbisyo at disiplina at kanila ring mga kailangan bilang mga asawa at mga anak sa kanilang pamliya. Siya rin po ang nagpasa ng maraming batas sa Senado, naging majority floor leader, magaling makipag-debate at galing sa puso palagi ang sinasabi. Hindi alam ng ating mga kababayan na si Tito Sen, kahit na mayroong noon time show ay hindi nag-a-absent sa Senado at palaging present at tinatapos ang pag-de-deliberate namin doon. Kaya nga hanga ako sa kanya hindi lamang dahil siya ay isang senador o artista kundi dahil sa kanyang work ethic at dahil inuuna niya ang pangangailangan ng ating mga mahihirap nating kababayan. Katuwang po natin sa public service at katuwang natin sa laban sa droga, Sen. Tito Sotto.
Ang susunod naman po ay isang kasimanwa ko nga Ilonggo. Siya po ay tubong Bacolod at isang tanyag na human rights lawyer. Nakipaglaban para sa karapatang pantao at dahil dito, alam naman natin ilan beses na naaaresto. Alam mo si Cong. Neri, matagal na namin kasama na nakikipaglaban sa kung anu-ano pang mga batas na dapat natin isulong. Nabanggit nga ang Freedom of Information para ang transaksyon ng gobyerno ay bukas na suriin nating lahat. Siya rin po ang nagsusulong ng benepisyo, sabi nga, para sa SSS na taasan 'yan. Siya rin po ang nagsusulong ng Whistleblowers Protection Act para naman ang mga may alam tungkol sa anomalya sa gobyerno ay maprotektahan natin. Kaya po ikinararangal namin at kami ay masaya na siya po ay kumpiyansang sumama sa amin, Cong. Neri Colmenares.
Ito naman po, dati po siyang mayor ng Valenzuela City. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang Valenzuela ay naging maayos, maunlad at isa sa most competitive cities sa buong Pilipinas. Alam niyo po, kilala ko siya 2009 pa lamang. At 'pag pumupunta ako sa Valenzuela talagang nakita ko kung gaano siya ka "hands on" at kung papaano siya ka-progresibong mayor. Pati pagbayad ng taxes mas madali at maayos ang pakikitungo niya sa mga kababayan niya. Pero ang pinakamalapit sa puso ko na nakita ko na ginagawa niya ay ang mga bata sa pampublikong paaralan, ilang libo po sa kanila taun-taon nang libre ang pananghalian sa Valenzuela City. 'Yan po ang kailangan natin sapagkat hindi po lalaking matalino ang anak natin kung sila ay nagugutom. Marami po tayong batas na dapat ipasa pero ang ganitong uri ng batas katulad ng libreng pananghalian ay kailangan nating isulong. Kaya po isa pong karangalan din ang makasama ang matalino, masipag at may malasakit sa Sherwin "Win" Gatchalian.
Ang susunod naman po ay matagal ko nang kialal. Una po siyang nakilala bilang presidente ng Kapisanan ng mga Artistang Pilipino o KAP kung saan ipinaglaban niya ang karapatan hindi lamang ng mga artista kundi mga katulad ng ordinaryong manggagawa sa industriya sa pelikulang Pilipino. Chairman din po siya ng Optical Media Board, marami po siyang nagawa para kanyang mga kasamahan sa industriya at alam ko na isusulong niya ang pagkakakilala natin sa kultura at entertainment sa ating bansa na importante sapagkat makakapagdadag po ito ng kita sa marami nating mga kababayan. Ang naging pinaka-tisoy na Vice Mayor ng Makati, si Mr. Edu "Kuya Dudes" Manzano.
Ang susunod naman po ay isang anak ng Mindanao. Isa po siyang gentleman farmer from Bukidnon at nagtapos sa UP Los Baños sa kursong Bachelor of Science sa Agribusiness. Alam niyo po, tatlong taon lang siya nakapag-serbisyo sa Senado pero ang dami na po niyang batas na naipasa. Siya nga rin ang katuwang natin sa Freedom of Information para malaman kung ano nga ba ang nangyayari sa gobyerno. Pero hindi lang 'yan, nauna siya sa marami kasama si Sen. Loren (Legarda) na ipaglaban ang dapat nating gawin para handa tayo sa climate change. Siya po ay marami ring pinaglalaban sa food shelf sufficiency dahil importante rin ang kapakanan ng ating mga magsasaka para sa ating lahat. Kaya po kasama rin natin na makikipaglaban para sa ating mga kababayan, ang boses ng Mindanao, tagapagtanggol ng kalikasan, ibalik natin sa Senado, Sen. Miguel "Migz" Zubiri.
Ito namang susunod alam ko po na hindi niyo siya masyado pang kilala. Sa totoo po nung una ko siyang kinausap para malaman kung siya ba ay sasama sa ati, ako po ay na-impress. Siya po ay nagtapos sa Philippine Military Academy bilang class baron, first captain ng batch niya. Nag-graduate din po siya sa Royal Marines Command School sa UK at FBI Academy sa US. At hindi lang 'yan, isa rin po siyang abogado, nagtapos sa UST Law School bilang cum laude. Isa po siya sa mga founding fathers ng PNP Special Action Force or SAF, kaya may SAF tayo. Siya ay naging hepe ng PNP CIDG. Pagkatapos ng 30 taong serbisyo siya po ay nag-retiro at nanalo bilang kinatawan ng ACT-CIS Partylist. Kakailanganon ko po ang tulong ng isa na katulad niya sapagkat seryoso tayo lalong-lalo na bilang magulang na magkaroon ng peace and order sa bansa at labanan problema lalong-lalo na sa droga. Kailangan natin ng disiplina sa mga nagpapatupad ng batas at siya ay isang ehemplo sa kanila kaya po isama po natin sa ating listahan, Gen. Samuel "Sir Chief" Pagdilao.
Bata pa po ako nadidinig ko na ang pangalan niya. Siya po ang tinatawag nilang transformational leader, naging mayor ng Olongapo City. Nakita natin ang hirap na dinaanan nila pagkatapos ng Mt. Pinatubo. Pero kahit umalis ang banyaga sa base militar, ito ay nagawa niyang isang ecozone para hindi mawalan ng trabaho ang mga kababayan niya. Ang iba sa kanila kahit walang sweldo katulad niya, naglilinis ng kanilang syudad at nagbabantay dahil kulang ang kanilang pondo. Tuwing nagkakaroon tayo ng kalamidad una sila sa lugar para tulungan. Alam niyo may isa akong kwento din tungkol sa kanya, pag siya ini-interview makikita ninyo talagang kumpiyansa siya sa kanyang sarili. Alam n'yo ba 'pag may camera, may isang reporter na nagkuwento sa akin, 'pag may reporter nagpapa-interview siya pero 'pag walang camera, tumutulong siya, mismong hands on. Kabaligtaran ng isang pulitiko. Hindi nagpapakita na mismong nag-aabot. Basta lang magpapa-interview siya pero 'pag talikod ng camera at saka siya mismo tumutulong. Alam n'yo, medyo maiba ako nang konti, mag lumapit din sa kanya, mga grupo at sinasabing, "Alam mo pwede mong alisin si Sen. Poe sa Senado eh. Mag-file ka na lang ng kaso, madi-disqualify." 'Di niya ginawa sapagkat gusto niya ay patas na laban at naniniwala siya sa boses ng nakararami. Kaya po isa pong karangalan ang isa pong tao na nag-promote ng ating bansa, sa pamamagitan ng Wow Philippines, na makasama si Sen. Dick Gordon. Ipasok na natin sa Senado.
Malapit talaga ito sa aking puso sapagkat siya po ay ipinanganak din na kapuspalad. Ang tao pong ito ay galing sa angkan ng mahihirap sa Tondo. Nakita natin kung papaano niya inangat ang kanyang sarili. Nag-aral, gumawa ng paraan para makapag-aral, kung anu-anong trabaho ang pinasok. Hindi ikinahiya ang pagiging mahirap at hindi din niya nakalimutan na kaya siya nakarating sa kanyang kinaroroonan ay dahil sa kanila. Kaya kung nag-iikot kayo sa Maynila nakikita ninyo"Iskolar ng Bayan" sapagkat marami po siyang napapaaral. Hindi mayabang pero talagang tumutulong sa mga kababayan, nagbibigay inspirasyon sa mahihirap na sila rin po ay makakaangat. Ang tunay na anak ng Tondo at Maynila, Vice Mayor Isko Moreno.
Ang susunod ko pong ipapakilala sa inyo ay isang babaeng tubong Bulacan. Alam ninyo noong nag-iisip kami sino ba ang karapat-dapat nating isama dahil alam nating nakakatulong. Alam nyo po hinangaan ko ang tatay niya dahil wala naman tayong OFW, mga departamento ukol dito kung hindi dahil kay Ka Blas Ople. Katulad ko rin, inspirasyon niya ang kanyang tatay sa kanyang paninilbihan sa gobyerno na tulungan ang pinaka-nangangailangan at sa ngayon ang nagbibigay sa atin ng pride sa iba-ibang bayan, pati na rin sa mga remittances nila. Pero tila yata nakakaligtaan ang kanilang pangangailangan. Ako po ay nakaranas rin na manirahan sa ibang bansa at alam ko ang pangungulila nito. Mas lalo mong minamahal ang bayan 'pag ikaw ay napapalayo at mas kailangan ang pagkakalinga at pagkilala ng ating mga kababayan 'pag nangyari 'yan. Alam n'yo po 'pag ako'y nasa Senado at nag-hi-hearing, kahit wala po siya sa Senado pa isa saiya sa palaging nandoon na lumalapit sa amin at nagsasabi, "Senator, 'yong terminal fee na P500 ini-impose pa rin nila" o kaya "Senator, 'yong balikbayan boxes." Kaya alom mo kahit maraming magagaling din na pwede rin nating pagpilian, talagang isa ang kailangan nating ilagay sa Senado. Ang isang katulad niya na hindi pulitiko pero tapat magmahal sa kapwa. Dalhin po natin, kasama natin, Susan "Ate Toots" Ople.
Ito naman ang pang-12 pero hindi po ito in sequence of capability. Siya po ang isa sa pinakamahusay at matalinong kaibigan ko sa Senado. Isa po siyang ekonmista na nabanggit nga nating nagsulong ng napakaraming batas at uulitin ko kasi baka nakaligtaan - Free Health Insurance for Senior Citizens Act. Siya rin po ang may akda ng batas na nagpababang kaltas sa Christmas bonus para naman 'yong ating Christmas bonus ay mas marami namang maiuwi natin sa ating pamliya, pati na rin sa 13th month pay. Magaling na senador, matalino at hindi pwedeng palusutan lalong-lalo na sa budget. Asawa din niya ay magaling na gobernador at mahal ng kanyang mga kababayan at maraming Pilipino. Nakasama ng aking ama sa kanyang trabaho, ngayon nakikita ko may pinagmanahan talaga si Ryan. Nakikita ko ang kanyang talino at galing, manang-mana sa kanyang mga magulang. Kahit po siya ay napapabilang sa ibang partido at naniniwala kami sa unipikasyon. Hindi bale na kung ano pa ang partido mo basta meron kang maiambag na tulong sa taumbayan tanggap ka namin dito at kami ay nagpapasalamat, Sen. Ralph Recto.
Kung nadidinig ninyo ang iba't ibang plataporma marahil ay hindi kayo sang-ayon sa lahat. Kami rin naman po. Hindi po kami gumagawa ng isang grupo na iisa lang ang pananaw. Kailangan may kanya-kanya tayong paninindigan at adbokasiya pero ang hindi dapat mag-iba ay ang pagmamahal at pagmamalasakit natin sa bayan. Kung ano mang programa 'yan, ito'y makakabuti may karapatan kayong isulong 'yan. Hindi po tayo nagdidikta na ito ang dapat mong gawin. Ang idinidikta lang namin ay ikaw ay dapat maging tapat at ikaw ay dapat manilbihan sa taumbayan. Kaya po sa kabuuan po ng ating slate ngayon nais ko pong hingin ang inyong tulong. Maraming tumatakbo pero sa tingin ko ibinigay namin sa lahat ng aming makakaya ang tunay na makaktulong sa atin. Ang puhunan natin ay galing at puso. Ayusin na natin ang Pilipinas, walang dapat maiwanan. Maraming salamat po.
RELATED: Grace, Chiz bare complete senatorial slate