Bigo uli sa pag-ibig
Dear Dr. Love,
Una sa lahat, isang taos-pusong pagbati ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon. Sana nasa mabuti kayong kalagayan sa sandaling matanggap ninyo ang liham na ito.
Ako po ay 33 taong gulang, mula sa Cebu City. Nakakulong ako ngayon sa pambansang bilangguan dahil napatay ko ang kalaguyo ng pangalawa kong napangasawa.
Nakilala ko sa aking dental lab si Cristine, ang una kong napangasawa. Maganda ang aming samahan kaya hindi ko akalain na magagawa niyang iwanan ako at ang aming sanggol matapos niyang manganak.
Para umangat pa ang aming buhay, nakaisip akong mangibang bansa para doon magtrabaho. Maganda ang kinikita ko na agad ko namang ipinadadala kay Irish para sa kanilang pangangailangan ng mga bata. Pero hindi siya naging tapat.
Nalaman ko na ang aking ipinapadala ay ipinantutustos niya sa kanyang lalaki. Napatunayan ko ito nang umuwi ako sa Pinas. Gusto ko na siyang iwan pero naisip ko, paano ang dalawang bata?
May mga pagkakataon pa nga na nagkukrus ang landas namin ng lalaki niya. Na nagbalak na iligpit ako para masolo niya ang asawa ko. Pero ang patalim na dala niya para sa akin ay siyang pumaslang sa kanya, nang maisaksak ko ito sa katawan niya.
Hindi ko pinagsisisihan ang pagdepensa sa aking sarili, dahil kung nagkataon…ako ang malamig na bangkay. Ang pinagsisisihan ko lang ay nakalabag ako sa utos ng Diyos. Sa ngayon inaalala ko ang kapakanan ng dalawa kong mga anak.
Sila ang nagsisilbing inspirasyon ko para makabangong muli. Nag-aaral po ako ngayon dito sa loob bilang paghahanda sa sandaling makalaya.
Ang hiling ko po Dr. Love ay matulungan ninyo akong magkaroon ng kaibigan sa panulat na makakatulong sa pagnanais kong makapagbagong-buhay.
Maraming salamat po at God bless you.
Respectfully yours,
Niño S. Dumaguin
Student Dorm 4-B YRC
MSC CAMP SAMPAGUITA
Muntinlupa City 1776
Dear Nino,
Nakatutuwang malaman mula sa isang katulad mo ang pagkilala sa nagawang kamalian, lalo na ang pagsisikap na makabangon mula dito.
Magpatuloy ka sa iyong pagsisikap at huwag mong kaliligtaan ang pagbahagi ng lahat ng iyong mga plano sa Diyos.
Maging ang mga pangamba mo para sa iyong mga anak ay iangat mo sa kanya. Dahil Siya ay Diyos na hindi nagpapabaya. Natitiyak ko na ang lahat sa buhay mo ay maisasaayos sa Kanyang takdang panahon.
Hangad namin ang pagkakaroon mo ng mga kaibigan sa panulat. Happy holidays!
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending