INUMPISAHAN kamakailan ng Department of Health at MSD (Merck, Sharp & Dohme) and kampanya laban sa cervical cancer o kanser sa kuwelyo ng matris. Pinamagatan itong “Babae, Mahalaga Ka!” para ipaalam sa publiko na ang cervical cancer ay nakamamatay at dapat nating bantayan.
Sa Pilipinas, ang cervical cancer ang pangalawang sanhi ng pagkamatay mula sa kanser sa kababaihan. Nangunguna ang breast cancer. May 10 babae ang namamatay sa cervical cancer bawat araw.
Ano ang sanhi ng cervical cancer?
Heto ang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng cervical cancer ang mga babae:
1. Impeksiyon sa human papilloma virus (HPV), isang uri ng STD.
2. Hindi nagpapa-check up ng Pap’s Smear. Pumunta sa inyong OB-gynecologist para magpagawa nito.
3. Nagkaka-edad. Ang mga babaing lampas 40 ang nagkakaroon ng cervical cancer.
4. Naninigarilyo. Masama talaga ang sigarilyo at nakapagdudulot ng cervical cancer.
5. Matagal na paggamit ng birth control pills.
6. Marami ang naging anak. Kung lampas sa apat ang dami ng inyong anak, magpasuri sa doktor.
Paano iiwas sa HPV infection?
Sa mga nabanggit na sanhi ng cervical cancer, dapat ingatan ang impeksyon sa HPV. Ito ay nakukuha ng babae kung nakikipagtalik siya sa iba’t ibang lalaki. Lumilipat-lipat kasi ang bacteria at virus habang nagse-sex. Siguro kung dalawa o tatlo ang boyfriend mo, marami na iyan. Puwede kang tamaan ng HPV.
Ayon kay Ms. Lilet Driz-Potenciano, Senior Manager ng MSD, may bakuna na ngayon laban sa HPV infection.
Ito ay ang Gardasil na puwedeng ibigay sa mga babae edad 9 hanggang 26. Ang bakuna ay nagkakahalaga ng P5,100 bawat iniksiyon at tatlong beses itong binibigay para maproteksyunan kayo.
Kung gusto n’yong malaman ang tungkol sa Gardasil, pumunta sa inyong OB-gynecologist at sila ang magpapaliwanag sa inyo. Good luck po.
* * *
E-mail: drwillieong@gmail.com