Aga, puntirya nang lahat ng mga aktres

Masuwerte nang maituturing ni Aga Muhlach ang pangyayaring walang artistang babae ang hindi nangangarap na makapareha siya. Kung dati rati ay si Christopher de Leon ang may hawak ng ganitong pribilehiyo, ngayon ay siya na. Pinaka-goal lalo na nung mga kabataang artistang babae na nagsisimula pa lamang gumawa ng pangalan bilang artista ang maging leading lady niya.

Suwerte rin ni Anne Curtis na nagsisimula pa lamang ng kaniyang career ay naging open na sa kanyang pagsasabing isang pangarap niya na makatambal ang guwapong aktor. Hindi bale na kung halos inabot siya ng 10 taon bago niya natupad ang kaniyang pangarap. Ang mahalaga magkatambal silang dalawa sa When Love Begins, isang pelikula ni Jose Javier Reyes tungkol sa dalawang taong takot magmahal sa isa’t isa. Pinaka-seksing movie ito ni Anne. Hindi lamang pagiging flawless niya ang makikita sa movie kundi ang mga maiinit na love scenes nila ni Aga na nilagyan ng mga nakakakilig na mga kissing scenes.

Wala namang ganitong eksena si Lara Quigaman kay Aga sa kanilang sitcom na That’s My Doc na inilagay na sa mas maagang oras (ala-sais ng gabi tuwing Sabado, ABS-CBN 2) para nga naman ma-enjoy ng buong pamilya, lalo na ng mga bata. At dahil sa mga batang manonood kung kaya kinakailangang wholesome ito, walang mga gestures and dialogues na maaring makasakit sa kanila.

Kaya imposibleng magka-love scenes si Lara kay Aga at kung ikinasisiya niya ito o hindi ay hindi na mahalaga, komportable na siya na kapareha niya si Aga, hindi niya nararamdaman na isang malaking artista ito, tulad din ng iba nilang kasamahan sa sitcom: Nova  Villa, Roderick Paulate, Pokwang, Bayani Agbayani at ang mga batang sina Bronson, Celine Lim, Jairus Aquino at Sophia Baars.

* * *

Baka sa susunod na bigayan ng awards ay best actor award naman ang masungkit ni Rafael Rosell sa galing na ipamamalas niya sa magsisimulang Maligno, ang ikalawang episode ng Sineserye Presents The Susan Roces Cinema Collection.

Kaiinisan ng mga manonood ang kanyang character bilang demonyo, lalo na sa pagpilit niya kay Claudine Barretto na paglagakan ng kaniyang binhi para sumilang ang demon child.

Bagaman at nalulunod sa papuri ng mga press na nakapanood ng pilot episode ng serye na kung saan itinampok ang napaka-artistic na rape scene nila ni Claudine, mas nakaramdam ng ibayong hamon si Rafael na mapabuti ang kanyang performance.

May special participation si Ms. Susan Roces sa serye, siya ang orihinal na gumanap sa role na ginagampanan ngayon ni Claudine at nanalo ito ng best actress sa kanyang portrayal.

Kasama rin sa serye sina Rio Locsin, Kim Chiu, Gerald Anderson, DJ Durano, Arlene Tolibas, Empoy at si Carlo Lacana.

* * *

Hindi lamang pala network ang bago kay Heart Evangelista. Bago rin ang mga manager na kumatawan sa pagpirma niya ng exclusive contract sa GMA 7 na sina Annabelle Rama at ang kanyang ama na si G. Rey Ongpauco.

Ano kaya ang naging problema nila ng Genesis na pinamumunuan naman ni Angeli Pangilinan- Valenciano?

Ito ang dating nagmamaneho  ng kanyang career.

Kung sabagay dahil kay Annabelle, agad magkakaro’n siya ng proyekto kasama ang anak niyang si Richard Gutierrez. Regular na siyang mapapanood sa SOP. Kung sabagay, kumakanta naman si Heart, at sa SOP mailalabas niya ang isa pa niyang talento. Bibigyan din daw siya ng network ng soap opera at nag-iisip din sila ng Koreanovela para sa kanya.

Yung isyu kaya nila ni Jericho (Rosales), may kinalaman sa paglipat niya?

* * *

Sino naman kaya itong character actress na nalululong naman daw ngayon sa alak? Sa inuman ayaw na ayaw daw nito ang beer at ang gusto’y mas matapang na alak. Minsan daw sa sobrang kalasingan nito ay hindi niya nasipot ang storycon ng bagong seryeng kaniyang kinabibilangan. Kahit magaling na artista ay marami nang talent coordinator ang ayaw siyang kunin sa takot na magka-problema sila sa kanya. At bagaman at kabataan pa ay mukha na siyang nanay na nanay na, kahit na ang gumaganap na anak niya sa bago niyang palabas ay hindi naman nalalayo ang gulang sa kanya.

Di kaya siya kayang paalalahanan ng mga kapatid na kahit nakababata ay minamahal niya ng lubos?

* * *

Double time na­man ang gina­gawang paghahanda ng GMA7 para sa kanilang pinakabagong game show, ang Gobingo hosted by Arnell Ignacio at mapa­panood five times a week.

Bukod sa pagla­lagay ng mga kalahok na artista habang nag-iipon sila ng mga non-celebrity contestants, sari-saring gimik na naiisip na gawin para maging mas inte­resante ang palabas.

Pinagsasalit-salit ang mga contestants. Last Monday, sina Sheena Halili, LJ Reyes at Rhian Ra­mos ang mga nag­laro. Nung Martes mga bingo workers naman ang isinalang. Nung Miyerkules sina Paolo Ballesteros, Jennylyn Mercado at Pauleen Luna ang nagpasaya sa mga games. Nung Huwe­bes akala ng mga manonood ay mga artista rin ang nagla­laro, hindi pala, mga look alikes lamang nina Bearwin Meily, Aljur Abrenica at Wally Kalbo. Kahapon, mga tunay na celebs ang naging tampok, sina Mia Pangyarihan ng Sexbomb, Melanie Marquez at Wilma Doesnt.

Gusto ng Gobingo na makatulong sa mga karaniwang mamamayan at manonood ng TV kaya kung qualified kayo sa mga hinahanap nilang mga contestants go na kayo at mag-audition sa mga itinatalaga nilang lugar. Ugaliing manood ng Gobingo at iba pang palabas ng GMA para sa iba pang detalye.

Maari ring manalo ang mga homeviewers. Pumunta lamang sa mga Mercury Drug Stores dala ang inyong proofs of purchase, ipalit ito ng mga scratch cards. Itext lamang ang unique code na nasa scratch cards para makuha ang Gobingo virtual playing card. Dapat ay manood ng Gobingo at abangan ang maiilawang numero ng studio contestants, dapat tugma ang mga ito sa mga numerong nasa virtual playing card. Ang unang maka-black out gamit ang Gobingo playing card ang mananalo.

O, ano pang hinihintay n’yo, ayaw n’yo bang magkapera?

* * *

E-mail:  veronicasamio@yahoo.com

Show comments