Editoryal - Dapat ding kasuhan ang mga ship owner
Eksaktong isang buwan mula nang lumubog ang M/V Carmela sa Quezon na pumatay nang mahigit 70 katao, isang trahedya na naman ang naganap nang lumubog ang Nilode sa Biliran noong Sabado (May 11). Labinsiyam katao ang namatay at tatlo rito ang bata. Ayon sa report, sobra sa pasahero ang ferry kaya lumubog. Tatlumpong pasahero lamang umano ang kapasidad ng Nilode subalit 130 katao ang sumakay at naglayag. Umano’y tumagilid ang ferry nang matipon sa kabilang side ang mga tao para kumanlong sa init ng araw. Isang iglap at lumubog ito at nalunod ang mga biktima.
Sa Pilipinas ay karaniwan na ang ganitong klase ng trahedya. Kahit na nangyari na ang malagim na trahedya ng M/V Doña Paz noong December 1987 na pumatay ng libong katao, wala pa ring leksiyong maiwan sa mga may-ari ng barko, Coast Guard, kapitan, crew at ang mga pasahero na rin mismo. Taun-taon na lamang ay may mga malalagim na trahedyang nagaganap sa dagat. Marami na ang nasayang na buhay dahil sa kapabayaan na maisisisi sa mga Coast Guard. Sila ang may responsibilidad sa lahat ng mga sasakyang pandagat na aalis sa port. Kung napigilan ng mga Coast Guard ang pag-alis ng ferry hindi mangyayari ang trahedya.
Tulad nang nangyaring trahedya sa M/V Carmela na sa una’y nagtuturuan ang mga opisyal at Coast Guard kung sino ang may kasalanan, ganito rin ang nangyayari ngayon sa Nilode. Nagtuturuan na naman at ang labis na kawawa ay ang mga biktima na hindi mabigyan ng kaukulang suporta. Ang paglusot sa kaso ang iniintindi ng Coast Guard, may-ari ng ferry at kung sino pang mga opisyal.
Sa isang report, talamak umano ang suhulan sa Naval port ng Biliran sa pagitan ng mga Coast Guard para makapaglayag ang barko o ferry. Kahit na sobra ang kapasidad ay pinapayagan umano ng Coast Guard kapalit ng pera.
Isang trahedya na naman sa dagat ang naganap at tiyak na may susunod pa rito. Nagalit na si President Gloria Macapagal-Arroyo sa paglubog ng Nilode at nag-utos na imbestigahan ang trahedya. Panahon na sibakin ang mga iresponsableng miyembro ng Coast Guard para hindi na maulit ang trahedya. Panahon na rin para kasuhan ang mga pabayang ship owner na hindi sumusunod sa regulasyon ng maritime safety. Kung hindi ngayon, kailan pa?
- Latest
- Trending