Ibang klase talaga ang magneto ng mga soap opera sa ating mga kababayan, kapag may istoryang pumasa sa kanilang panlasa ay itinuturing na nilang bahagi ‘yun ng kanilang pang-araw-araw na buhay.
Nang magsimula sa ere ang Kung Mawawala Ka, ang serye ng Siyete na parang isang malaking pelikula ang dating at hindi lang seryeng pangtelebisyon, ay biglang nagbago ang karaniwang rutina ng marami nating kababayang mahilig tumutok sa mga soap opera.
May mga misis ng tahanan na maagang nagluluto para maaga rin nilang mapakain ang kanilang mga anak, para pagpitada nga naman nang alas-otso y medya, ang oras ng Kung Mawawala Ka, ay wala na silang gagawin pa.
May kaibigan naman kaming tumatanggap lang ng miting nang alas-diyes nang gabi na, para tapos na nilang panoorin ang dulang pangtelebisyon ng GMA-7.
Bibihirang mangyari ang ganito, ngayon na lang uli kami nakaririnig ng mga ganitong kwento pagkatapos ng pagrereyna-reynahan sa telebisyon ng Flordeluna at Anna Lisa nu’ng dekada otsenta.
Pahapyaw rin kaming nakakarinig ng mga ganitong kuwento patungkol sa mga soap opera ng Dos, pero nang lumaylay na ang kuwento ng mga ito ay naghanap na ng ibang panoorin ang ating mga kababayan.
Nanghihinayang sila sa ibabayad nila sa buwanang konsumo sa kuryente, lalo na ngayong humihilahod na ang ating bayan sa pagtaas na naman ng bayad sa elektrisidad, pati na ng iba pang mga pangunahing bilihin.
Isang kaibigan namin ang nagsabi, kung hindi rin lang naman kagandahan ang palabas sa TV ay pinapatay na lang niya, sayang daw kasi ang bayad sa kuryente kung gagamitin lang ng kanilang pamilya ang oras sa wala namang kapararakang panoorin.
|
Maganda kasi ang istorya ng Kung Mawawala Ka, tungkol ito sa mga problemang pinagdadaanan ng mga pamilyang legal at hindi, umiikot ang istorya sa matinding inggitang namamayani sa mga anak sa iba’t ibang babae ng padre de pamilya.
Napakaordinaryo ng tema, pero totoong-totoo, at alam mong hindi ka dinadaya ng pinanonood mo.
Malalaki ang artista ng Kung Mawawala Ka, at do’n pa lang ay hahawakan ka na ng serye sa leeg, kaya patuloy mo nang tututukan ang kuwento.
Eddie Garcia, Hilda Koronel, Gloria Diaz, Liza Lorena, Ara Mina, Sharmaine Arnaiz, Sunshine Dizon, Raymond Bagatsing, Cogie Domingo, Jay Manalo, Alessandra de Rossi, Princess Punzalan at marami pang iba, sila ang regular na makikita sa iskrin sa pang-araw-araw na episode ng Kung Mawawala Ka.
|
Si Major Jude Estrada ang madalas naming makasama sa panonood ng serye, at nu’ng unang gabi pa lang nito sa ere ay nagpahayag na si Jude na parang nananalamin siya sa soap operang ito.
Ang bawat eksena’y inaabangan ng binatang militar, at kapag nakakahiging siya ng mga eksenang pamilyar sa kanyang paningin at pandinig ay napapahalakhak siya.
Medyo may binago lang kasing mga anggulo, inilihis lang sa alam na nating kwento ang ibang pangyayari, pero totoo nga na ang tubig sa ilog ay sa dagat din umuuwi.
Bitin ang kalahating oras lang sa ganitong uri ng panoorin dahil hindi naman solidong treinta minutos ang ginugugol sa palabas dahil sa kanilang mga patalastas.
Habang tumatagal ay lalong nagiging kapana-panabik ang takbo ng kuwento ng serye, kaya hindi natin masisisi ang ating mga kababayang nakikipagbalyahan sa pagsakay sa dyip, makauwi lang sila nang maaga para matutukan ang Kung Mawawala Ka.