^

Headlines

Rico binuhay muli ang giyera ng Dos at Siyete

FRONT SEAT - Cristy Fermin - The Philippine Star

Sa pagpanaw ni Rico Yan, artista ng ABS-CBN, ay muling nabuhay ang giyera sa pagitan ng dalawang nagbabanggaang istasyon, ang Dos at ang Siyete.

Hindi maaaring ipagkaila ng Dos ang kanilang pagbabawal na magpapasok ng mga crew ng Siyete sa burol, Misa at libing ni Rico Yan, dahil mismong mga tauhan nilang nagbabantay sa mga pintuan ng La Salle-Greenhills ang nagsasabing mga taga-ABS-CBN lang ang maaaring kumuha ng coverage tungkol sa kaganapan.

Kahit ang mga TV hosts ng Channel 7 ay pinagbawalan ding pumasok, samantalang wala namang mga dalang camera ang mga ito at ang hangad lang ay ang makiramay sa mga iniwan ni Rico.

Sinolo ng ABS-CBN ang pagpapalabas ng mga detalye tungkol sa pagkamatay ng batang aktor, ang tanging pagkakataong pinayagang makakuha ng footages ang Siyete ay nang idating sa Domestic Airport ang bangkay ni Rico, pero nu’ng nasa chapel na ng La Salle ay pinigilan na ang mga ito.

Sa aming panlasa ay mapakla ang ginawang ito ng ABS-CBN. Nauunawaan namin ang kanilang punto na sila ang nagpalaki sa pangalan ni Rico Yan bilang kanilang artista, pero nakakalimutan na yata nila na si Rico Yan ay artista ng bayan.

Pampublikong pigura si Rico, na ang ibig sabihi’y may karapatan ang sinuman na makasilip sa kanyang bangkay, hindi pag-aari ng ABS-CBN ang pagkatao ni Rico, kaya nag-iwan nang nakasusukang panlasa sa amin ang inugali ng Dos.

Sabihin nang isang buong cake si Rico na gusto nilang solohin, ang isang hiwa ba ng cake na ‘yun ay hindi man lang nila maaaring ibahagi sa ibang istasyon na sa tanggapin at sa hindi ng ABS-CBN, ay nakatulong din naman para makilala at sumikat ang pangalang Rico Yan?

Maaari bang akuin-solohin ng ABS-CBN ang kredito sa pag-angat ng pangalan ni Rico Yan?

Ang kanilang istasyon lang ba ang mula sa umpisa ay tumutok sa mga proyektong kinapapalooban ni Rico? Paano na ang mga naitulong din naman ng ibang istasyon para magtagumpay ang aktor sa kanyang larangan?

Sa ginawang pagdadamot ng ABS-CBN sa ibang istasyon tungkol sa pagyao ng aktor ay huwag silang magagalit kung makarinig man sila ng mga taong nagsasabing sakim sila at maramot.

Ang ginawa nilang pagdadamot sa ibang istasyon sa mga impormasyong may kinalaman sa pagkamatay ni Rico Yan ay isang patunay lamang na pagdating sa kredito at negosyo ay suwapang talaga ang ABS-CBN.

* * *

Kung ang naganap ay isang okasyon na tulad ng pagpapakasal ng kanilang kontradong artista ay mauunawaan namin ang Dos.

Sa ganu'ng selebrasyon kasi ay may nakapaloob na pirmahan ng kontrata na ang Dos lang ang eklusibong maghahatid sa publiko ng naturang kaganapan.

Pero patay ito.Isang kilalang aktor ng bayan ang pumanaw,wala namang pinirmahang kontrata sa kanila ang pamilya ng namatay na tanging ang kanilang istasyon lang ang may karapatang magbalita ng mga pangyayari sa buong bayan.

Magkakasakit ba sa bulsa ng ABS-CBN ang singkong mababawas sa kanilang piso,kung sakaling binigyan din nila ng karapatang makapag-coverage ang Siyete ?

Hindi maganda ang ganitong kalakaran,patay na ang nakasalang sa isyu,pero hindi man lang natin mabigyan ng kaukulang respeto.

Mareklamo ang Dos kapag sa kanila nangyari ang ganyan,ngawngaw sila ng ngawngaw kapag naiisahan sila,pero kapag sila naman ang pinaboran ng pagkakataon ay ang damot-damot din nila.

ABS

CBN

DOMESTIC AIRPORT

ISTASYON

KANILANG

RICO

RICO YAN

SIYETE

Philstar
  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with