Allona tinanggihan ang offer na P500,000 ng DOM
Pagkatapos makagawa nang mahigit sampung pelikula mula sa mga independent companies, kinuha si Allona Amor ng Regal Entertainment, isang major film outfit. Para kay Allona, ang pelikula niya ritong Huli Sa Akto directed by Francis "Jun" Posadas ang pinaka-memorable film niya.
"Kasi, for the first time, I played a battered wife," sabi niya sa Regal coffee shop noong Linggo. "Kasal ako rito kay Don Fernan, played by Roy Alvarez na sinasakal ako, nilalatigo, pinapatakan ng kandila pag nakikipag-love making. Sadista ang role niya at ako ang biktima."
Si Jestoni Alarcon ang kapareha niya sa pelikula. Obviously, nahuli sila ni Roy sa akto ng pakikipagtalik at kailangan nilang tumakas. "Kailangang tumakbo kami sa bakawan, yung kuhaan ng talaba, nagkandasugat-sugat tuloy ang mga paa ko," reklamo ni Allona.
Sabi ng sexy actress na 5’2" ang taas at may sukat na 34-24-36, hindi pa siya kuntento sa nangyayari sa career niya. "Yung acting ko, hindi ko pa talaga naipapakita ng todo. Puro lang ako pa-sexy. Kulang pa talaga. Ang kailangan ko, quality films, good directors. Gusto ko talagang mabigyan ng break na tsa-challenge sa kakayahan ko bilang actress. Pangarap ko kasi, maging LT." Si Lorna Tolentino ang tinutukoy niya, ang paborito niyang aktres.
Walang manager si Allona. Si Jun Posadas ang nag-recommend sa kanya sa Regal. "Malaki ang pasasalamat ko sa kanya, thanks direk!" Baka naman iba ang interes sa kanya nito? Hindi ba siya nililigawan ni Direk? "Talagang mabait lang siya," depensa ni Allona. "Hindi niya ako nililigawan. Bilang direktor, tinutulungan niya ang mga artista na mag-internalize, magdrama."
Sabi ni Allona, zero ang lovelife niya ngayon. "The last time na nagkaroon ako ng boyfriend, noong 19 pa lang ako. I am 21 now. One year din kaming nag-on. That was 1999. Nakipag-break ako sa kanya. Hindi ko siya feel. Undeserving siya. Hindi siya karapat-dapat sa akin. Ako ang nakaramdam na kung magpapatuloy ang relasyon naming dalawa, walang mangyayari. Kailangan, i-stable muna ang sarili niya bago niya ako balikan. Kung stable ka na, sabi ko sa kanya, magtagpo tayong dalawa. I think he is 23 now. Hindi ko alam kung stable na siya."
Pero hindi naman siya nawalan ng manliligaw sa kabila ng break-up na yon. "May mga nanligaw naman sa aking iba, karamihan, matatanda, mga DOM. May mga binata rin. Pero hindi ako nain-love sa kanila. Parang tumigas na kasi ang puso ko. Hindi madaling ma-fall in love.
May kuwento siya sa isang pulitiko na nanligaw sa kanya. "Mayor siya sa north.
"Nanligaw siya sa akin pero hindi ako interested. Kasi ang offer niya sa akin–umalis ka sa showbiz, magsama tayo, mag-live-in tayo, aanakan kita! Ganun. Eh, ayoko niyon. Hindi ko feel. Hindi na bale. Paghirapan ko na lang itong kita ko. Kaya ko namang kumita para buhayin ko ang sarili ko. Kaysa naman yung may back-up sa likod na ikakasira ko lang.
"Actually, may indecent proposal akong natanggap. Pero sinabi ko, ‘Excuse me, nagkakamali po kayo!’ Hindi ako yung tipo na kakaya-kayanin n’yo lang. Kahit malaki ang offer, may nag-alok nga ng P500,000, tinanggihan ko!"
Totoo? Eh malaki na yan. May mga balita na sa P40,000 hanggang P200,000 pumapayag yung mas may name pa sa kanya. Bakit?
"Eh kasi, virgin pa yan ‘no!" bigla niyang sabi. Kagyat napahalakhak siya sa sariling biro. Bigla siyang bawi, kapagkuwan. "Yung reputasyon ko kasi ang iniingatan ko, eh. Saka hindi naman ako yung galing sa club. Ang pamilya ko naman, kahit mahirap lang kami, karispe-respeto. Ayokong ako ang ikasira ng family ko."
Si Anna Lisa Canson ay taga-Calauag , Quezon. Third year high school siya sa Our Lady of Lourdes School nang maglakas-loob siyang mag-walk-in sa production outfit ni Baby Alano na tumayo niyang manager. Binigyan si Anna Lisa ng pangalang "Allona Amor" galing sa pangalan Alona at salitang "pag-ibig." Ipinakilala siya sa Evangeline Katorse noong 1996 at bida na siya sa sumunod na pelikula, Bubot.
"Sixteen lang ako nang lumayas sa nanay ko. Nagi-start pa lang ako noon sa paga-artista. Na-try kong mag-extra, mga bit roles muna. I was 17 nang bigyan ako ng break ni Baby Alano."
Walong taong gulang si Allona nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Naiwan siya at ang kuya niya, limang taon ang tanda sa kanya, sa nanay nila. Nag-asawa sa iba ang tatay niya. Ilang taon pagkatapos, nakatagpo ng ibang lalake ang nanay niya. "May dalawa akong kapatid na lalake sa father side, dalawang kapatid na babae sa mother side." Eh bakit siya nag-solo sa buhay?
"Kasi, pag nakatira ako sa nanay ko o sa tatay ko, puro problema lang ang nari-recieve ko. Eh gusto ko yung, lagi akong fresh, laging happy, kaya I decided to be independent."
Nakatira sa Las Piñas si Allona. Ang nanay niya at tatlong kapatid, sa Novaliches. Nasa Calauag, Quezon naman ang tatay niya. "Once a month, dumadalaw ako sa mother ko. Ang father ko naman ang lumuluwas para dalawin ako. Nagbibigay ako ng pera sa kanila kung kailan ko gusto, kapag humihingi ng tulong sa akin."
Bukod sa paglabas sa pelikula, kumikita si Allona sa Archer Production & Entertainment Network na kanyang itinayong business. "Nagpo-produce at nago-organize ng shows. Sa November 16, kasama ko si KC Montero sa "Party on the Loose" sa Baguio City."
Balitang inaalok siyang maging recording artist ng Dyna Music Corporation.
"Totoo. Kaya lang, sabi nila, konting practice pa. Disco songs ang mga kinakanta ko."
- Latest
- Trending