Angelika, itinanggi ni Miko Sotto

Hindi apektado si Angelika dela Cruz kung kanino pa siya itapat at kahit saang timeslot ilagay ang Ikaw Lang Ang Mamahalin. Katwiran ng aktres ay ratsada sa rating ang kanilang soap opera. Marami na rin silang masugid na tagasubaybay kung saan consistent ang soap opera nila sa pagiging top rated. Sa latest na rating ay sinabi ng magandang aktres na nasa number 6 na sila sa over-all primetime rating.

Samantala, habang nasa bansa ang ina ni Miko Sotto, ang rumored boyfriend ng aktres ay tinanong ni Ali Sotto ang tungkol sa napapabalitang relasyon ng dalawa. Boto naman si Ali kay Angelika. Kaya lang, hindi inamin ni Miko sa harap ng ina na nobya niya ang aktres. Ano ang reaksyon dito ni Angel? "Bakit naman ako masasaktan kung idinenay nga ako ni Miko sa kanyang ina. In the first place, wala naman kaming relasyon. Pero inamin ko na close kaming dalawa dahil magkakabarkada kami nila ni Danica Sotto. Siguro naman ngayong nanggaling na kay Miko ang pagdi-deny tungkol sa aming relasyon maniniwala kayong wala talaga kaming ugnayang dalawa, di ba?" aniya.

Tinanong ko rin ang aktres kung ano ang masasabi niya tungkol sa balitang gusto siyang makapareha ni Dingdong Dantes kaysa kay Judy Ann Santos? "Nakaka-flatter siyempre pero hindi ako naniniwalang sasabihin ito ni Dingdong. Kailanman ay hindi marunong magsalita ng makakasakit si Dingdong sa kapwa. Kilala ko siya at hindi siya marunong mamili ng makakapareha," pagtatapos ni Angel.

Maalon sa Boracay

Nagtungo kami ng Kalibo sa Aklan dahil first death anniversary ng aking father in-law noong September 29. Pero bago magtungo sa kanilang bayan ay nagpahinga muna kami ng dalawang araw sa Boracay na paborito kong lugar to unwind dahil sa rami ng trabaho habang nasa Maynila. Napuna ko na kapag ganitong buwan pala ay bagsak ang presyo sa Boracay-off-season at kaunti lang ang mga puting turista at karamihan ay mga Korean ang nagbabakasyon. Hindi mahilig mag-sunbathing ang mga ito gaya ng mga Amerikano na dumarayo tuwing Mayo. Ang mga hotel at cottages ay nagbababa mula 800 to 300 at ang airconditioned cottages ay mula 1,200 to 800. Kaya mura rin ang mga bilihin dahil nga konti ang mga turista. Kaya lang, hindi ka naman magi-enjoy mag-swimming dahil maalon. Kaya wala kaming ginawa kundi mamasyal at matulog.

Kagagaling lang nina Diether Ocampo at Joyce Jimenez ng Boracay kung saan nag-syuting sila. Galing din si Snooky Serna kamakalawa na nag-VTR para sa kanyang programa sa Channel 13 tungkol sa turismo.

Hindi lang pamamasyal at pamamahinga ang habol ko sa Boracay kundi ang makapag-meditate rin at makapagpasalamat sa ganda ng kalikasang binigay sa atin gaya ng Boracay.

Ronald, Magbabago ng imahe

Matagal kaming nagkakwentuhan ni Daddy Wowie Roxas na siyang tumatayong manager ngayon ni Ronald Gan. Marami siyang magagandang plano sa aking anak-anakan kaya natutuwa rin ako. Una ay babaguhin niya ang personalidad ng actor mula sa pananamit, pagbabago ng haircut at tamang pananalita (speech training). Kaya madalas nitong kasama ang mga alaga ni Daddy Wowie ngayon. Kabilang na rito ang beauty queen gaya ni Jo Canonizado. Hindi kaya ma-in love sa beauty queen si Ronald?

Ayaw munang ma-involve ni Daddy Wowie si Ronald kaya hiwalay muna sila ni Hanna Villame na alaga rin nito. Nagko-concentrate muna sa kanyang career si Ronald dahil after Basagan ng Mukha at Bro ay plano ng MMG Films na gumawa ito ng pelikula kasama ang malalaking action stars gaya ni Rudy Fernandez o Bong Revilla Jr.

Samantala, ipinagmamalaki ni Ronald ang Basagan ng Mukha dahil hindi siya gumamit ng double sa mga delikadong stunts doon gaya ng pagbitin sa helicopter.

Show comments