Kung hindi ipinatanggal ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang television advertisement ng "13-0 Movement" maganda sanang pagkakataon iyon upang ganap na maunawaan ng taumbayan ang katotohanan sa madugong May 1 riot. Maaaring isang pagkakamali ang pagkakapigil ni GMA na huwag nang ipalabas ang nasabing advertisement na ayon sa Oposisyon ay isang negatibo at maruming pamamaraan ng pamumulitika. Paano magiging matalino ang mga botante kung hindi nila malalaman ang katotohanan? Paano mabubuksan ang kanilang isipan sa tamang kandidato na kanilang iboboto? Negatibo raw ang dating ayon sa Oposisyon. Sa himig, ibig na namang linlangin ang mga botante sa pagkontra sa nasabing ad.
Ipinakikita ng ad ang pagtitipun-tipon sa EDSA nang maraming supporters ni dating President Estrada. Tinagurian itong "EDSA 3". Doo’y nagtatalumpati sina Senators Juan Ponce Enrile, Miriam Defensor Santiago, Gregorio Honasan at dating PNP chief Panfilo Lacson. Ito umano ang mga nag-udyok sa mga Estrada supporters para lumusob sa Mendiola. Kaya maliwanag na mababasa sa TV ang mga salitang "Inudyukan... Inabandona..." at sa dakong huli’y "Iboboto n’yo pa ba sila?"
Bilang sagot, gumawa rin ng ad ang Oposisyon na nagpapakita rin sa mga mahihirap na dumagsa sa EDSA at sa Mendiola. Dito’y ipinakikita na kinaiinisan at pinandidirihan ng mga mayayaman ang mahihirap. Isang mabigat na mensahe na pinag-aaway ang mahihirap at mayayaman.
Sa aming palagay mas negatibo ang ad na sagot ng Oposisyon sapagkat nagpapakita lamang ito ng pag-uudyok sa mga mahihirap upang mag-alsa. Binubulag ang paniniwala upang magalit sa administrasyon.
Paano magiging matalino ang mga botante kung hindi ipababatid sa taumbayan ang katotohanan ng nangyari noong May 1 na apat ang namatay at marami ang nasugatan. Bagamat marami na sa taumbayan ang nakapanood sa telebisyon nang naganap na kaguluhan, naghahanap din sila ng kasagutan kung sino ba ang namuno sa kaguluhang iyon. Bakit nang nagkakagulo na sa Mendiola ay walang mga lider na umaangkin? Nasaan na ang mga lider na nagturo kung paano wawasakin ang lehitimong gobyerno?
Ang katanungang "Iboboto n’yo pa ba sila?" sa tv ad ay isang mabigat na katanungan sa mga botanteng hindi pa namumulat. Ang katanungang ito ay hindi lamang patungkol sa apat na kandidatong umano’y nag-udyok kundi para na rin sa iba pang kandidato na kahina-hinala ang layunin ng pagtakbo. Mag-isip ng dalawang beses sa mga iboboto bukas. Alamin ang pagkatao sapagkat mahirap nang magkamali.