National U21 men’s volley papalo ngayon
MANILA, Philippines — Matitinding hatawan ng bola ang nakatakda sa magaganap na Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division na lalaruin sa Ninoy Aquino Stadium.
Ngayon ang simula ng nasabing inaugural tournament kung saan ay walong teams ang magkakaldagan.
Hinati ang koponan sa dalawang grupo sa preliminary round, magbabakbakan ang Volleyball Never Stop (VNS) Club at Silay Volleyball Club (SVC) sa unang laro sa alas-9 ng umaga sunod ang hatawan sa pagitan ng Zamboanga City at Lingayen sa Group A sa alas-11:30 ng umaga.
Unahan din sa panalo ang Umingan Volleyball Club (UVC) at Notre Dame of Dadiangas University (NDDU) sa Group B sa alas-2 ng hapon at 4:30 ng hapon ang labanan ng City of Naga-Cebu Volleyball Club (CNV) at University of the East (UE).
“The Under-21 championship is part and parcel of the national team program that aims to maintain the production line of talents for international competitions,” ani PNVF head Ramon “Tats” Suzara, na siya ring presidente sa Asian Volleyball Confederation (AVC) at executive vice president ng International Volleyball Federation or FIVB.
Magpapatuloy ang preliminaries sa Biyernes habang ang semifinals ay sa Sabado at Linggo naman ang Finals sa event na suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Meralco, PLDT, Smart, Ayala Land, Nuvali, Mikasa, Senoh, Asics, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at Pilipinas Live.
Nasa radar din ang isa pang domestic tournament ang National Beach Volleyball Championships sa Pebrero at Second AVC Beach Tour-Nuvali Open sa Abril na parehong lalaruin sa Nuvali Sand Courts sa Santa Rosa City.
- Latest