Mapua puro na sa titulo
MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng Cardinals para tapusin ang 33 taong pagkauhaw sa korona.
Ito ay matapos humataw si Clint Escamis ng game-high 30 points para ihatid ang Mapua University sa 84-73 paggupo sa College of St. Benilde sa Game One ng NCAA Season 100 men’s basketball championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
“Compared sa last year, inaasahan kami sa individual namin. But as you can see now iyong buong team talaga iyong involved eh,” wika ng reigning MVP na si Escamis sa 1-0 lead ng Mapua sa best-of-three title showdown nila ng St. Benilde.
May tsansa ang Cardinals na kumpletuhin ang pag-sweep sa Blazers sa Game Two at ang pagkopo sa ikaanim na titulo sa Sabado sa Big Dome.
Umiskor si JC Recto ng 15 markers para sa Mapua, habang may 9 points at 9 rebounds si Chris Hubilla at may tig-8 points sina John Jabonete at Lawrence Mangubat.
Pinamunuan ni center Allen Liwag ang St. Benilde sa kanyang 18 points, 14 boards at 3 blocks at nagdagdag si Gab Cometa ng 13 markers, ayon sa pagkakasunod.
Kaagad kumamada si Escamis ng 22 points sa first half kung saan inilista ng Cardinals ang 13-point lead, 26-13, hanggang makalapit ang Blazers sa 43-44 sa pagbubukas ng third period.
Matapos ito ay isang 11-3 bomba ang inihulog ng Mapua para muling makalayo sa 55-46 sa 3:38 minuto ng nasabing yugto.
- Latest