EDITORYAL - Bantayan, pagpapakilos ni Guo sa kanyang pera
Maaring may katotohanan ang isiniwalat ni dating senador Panfilo Lacson na nag-alok ng P1-bilyon ang pinatalsik na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para mawala ang mga kinakaharap niyang kaso. Isang kaibigan umano ni Lacson na may kontak sa Unang Pamilya ang nilapitan ni Guo at inalok ng P1-bilyong suhol. Ayon kay Lacson ang kaibigan niya ay isang negosyanteng Tsinoy na may mga dealings sa China at may mga koneksiyon sa ilang tao na malapit sa pamilya Marcos.
Ayon pa kay Lacson, base sa kanyang kaibigang Tsinoy, nagtatago na raw ng mga panahong iyon si Guo. Komontak daw si Guo sa negosyante sa pamamagitan ng kanilang common friend at inalok kung maaari itong mailapit sa kanyang contact na nasa inner circle ng Unang Pamilya. Nilinaw naman ni Lacson na ang alok na P1-bilyon pera ay para matulungan si Guo sa kanyang mga kinakaharap na kaso at hindi para makalabas ng bansa. Nangyari raw ito noong nasa bansa pa si Guo. Hulyo 18 nang makalabas ng bansa si Guo at iba pa sakay ng speedboat at lumipat sa mas malaking barko na nagdala sa kanila sa Indonesia. Mula Indonesia nagtungo sila sa Malaysia at Singapore. Nahuli siya ng Indonesian police noong Setyembre 5 at dinala sa bansa kinabukasan. Kasalukuyan siyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame. Sinampahan siya ng kasong qualified human trafficking.
Sabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, pinaiimbestigahan na niya ang mga isiniwalat ni Lacson. Sabi pa ni Remulla hinihintay raw nila ang resulta ng imbestigasyon sa background ni Guo. Naniniwala raw si Remulla na hindi ordinary ang talino ni Guo. “Extremely talented” daw si Guo at ang mga laro nito ay masyadong malalim at sophisticated. Sabi pa ng Justice Secretary, posibleng marami nang pinakawalang bilyones si Guo para makalusot sa kanyang napakaraming kinakaharap na kaso.
Posible ang mga sinabi ni Remulla. May bahid ng katotohanan din ang sinabi niya na hindi basta-basta ang angking talino ni Guo. Nag-iisip ito at maaaring mabulaga na lamang ang mga nag-iimbestiga sa kanyang estilo. Kalmado lamang ito kahit na pinagtutulungang tanungin ng mga senador.
Kailangang maging maingat at mabusisi ang lahat sa pag-iimbestiga kay Guo. Mag-isip nang malalim at baka sa bandang huli ay makalaya at pagtawanan ang mga nag-aakusa. Pakikilusin ni Guo ang kanyang bilyones na pera at tiyak, marami ang masisilaw dito.
- Latest