EDITORYAL — Loose firearms aalagwa sa barangay elections
SA Oktubre 30, 2023 na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at marami nang kandidato ang nagpaparamdam. Marami nang nagsusulputang tarpaulin ng kandidato na bumabati ng “Happy Father’s Day” at iba pang mensahe. Nakasabit ang tarpaulin sa lugar na madaling makita ng residente.
Pero hindi lamang ito ang nararamdaman sa papalapit na election. Nadarama na rin ang karahasan. May mga napaulat nang pagpatay sa barangay officials sa probinsiya. Ang mga napapatay ay tatakbo sa pagka-barangay chairman.
Sa Norzagaray, Bulacan, isang barangay chairman ang pinagbabaril at napatay noong nakaraang linggo. Ayon sa report ng pulisya, nasa kanyang sasakyan ang biktimang si Marcelino Punzal, 63, barangay chairman ng Bgy. Bangkal, Norzagaray nang pagbabarilin habang nasa kahabaan ng Edenville Road, Bgy. Partida, Norzagaray, Bulacan. Agad namatay ang biktima at mabilis namang tumakas ang gunman. Wala pang naaaresto ang mga pulis. Ayon sa mga kaanak ng biktima, wala silang nalalaman na kagalit nito.
Sa report ng Philippine National Police (PNP), 30,068 elected officials ang may valid firearms at maaring kabilang dito ang barangay officials. Ang nakapangangamba, 8, 313 dito ay expired na ang mga lisensiya. Kaya hinihikayat ng PNP ang elected officials na mag-renew na ng kani-kanilang mga lisensiya para hindi magkaroon ng problema. Kamakailan, naaresto ng pulisya ang mayor sa Mabini, Batangas dahil sa pag-iingat ng mga baril na walang lisensiya.
Ang pagsiklab ng karahasan sa nalalapit na BSKE ang naging dahilan para hilingin sa Commission on Elections ng siyam na mayors ng mga bayan at lungsod ng Negros Oriental na suspendihin ito. Malalang karahasan umano ang bumabalot sa probinsya kaya dapat munang isuspende ang election.
Sinabi ng PNP kamakailan na handa sila sa pagdaraos ng barangay elections sa Oktubre. Hindi dapat maging kampante ang PNP at siguruhing nasamsam na ang loose firearms upang walang karahasan. May mga barangay chairmen na may mga bodyguard at private armies. Sawatain ito ng PNP habang maaga at nang hindi makapaghasik ng kaguluhan. Huwag hayaang makaalagwa ang loose firearms.
- Latest