EDITORYAL - Duterte sa harap ng ICC

Mabilis ang mga pangyayari noong Martes at sa isang iglap, nasa kamay na ng International Criminal Court (ICC) si dating President Rodrigo Duterte. Pagbaba ng Cathay Pacific na sinakyan ni Duterte mula Hong Kong, sinilbihan na siya ng warrant of arrest na inisyu ng ICC sa Interpol. Tinulungan ng Philippine National Police (PNP) ang Interpol sa pagsisilbi ng warrant. Makaraang basahin kay Duterte ang nilalaman ng warrant, isinakay na siya sa isang van at dinala sa Villamor Air Base at isinakay sa eroplano. Dakong 11:03 ng gabi, lumipad na ang eroplano. Kasalukuyan nang nasa Hague, Netherlands si Duterte. Nakatakda na siyang humarap sa ICC prosecutors sa mga susunod na araw.
Bago ang pag-aresto kay Duterte, sinabi niya habang nasa Hong Kong na tanggap na niya kung anuman ang mangyayari sa kanya. Lumaganap ang pag-aresto sa dating Presidente habang nasa Hong Kong kasama ang anak na si Vice President Sara Duterte. Nagsalita sila sa harap ng overseas Filipino workers (OFWs) at ikinampanya ang mga sinusuportahang kandidato para sa senado.
Nang arestuhin, kalmado naman si Duterte na tila tanggap na nga niya ang kapalaran at mga kahaharapin sa harap ng ICC. Bagamat nagtanong siya kung ano nga ba ang kasalanan niya at aarestuhin, maliban dun ay wala na siyang sinabi at naging sunud-sunuran na sa sinabi ng nagsilbi ng warrant. Maaring tanggap na nga niya ang lahat.
Noong nakaraang Nobyembre 13, 2024 nang humarap si Duterte sa House quad committee sinabi niyang payag na siyang maimbestigahan ng ICC. “I am asking the ICC to hurry up and if possible, if they can come here and start the investigation tomorrow. Baka mamatay na ako, hindi nila ako maimbestigahan. That’s why I am asking the ICC through you na magpunta na sila rito,” sabi ni Duterte.
Hinamon pa ni Duterte ang quad comm na bigyan siya ng pera at siya na ang pupunta sa ICC. Gagawin daw niya iyon para sa bayan at para sa mga anak. Hindi raw nila alam ang pagsasakripisyo ng mga magulang, hindi raw nila alam ang mga misteryo, hindi raw nila alam ang pinagdaraanang hirap ng mga magulang. Pinag-aral daw ang anak mula kinder, elementarya hanggang high school at pagdating ng college, nabaliw lang sa droga kaya talaga raw papatayin niya ang drug lords.
Marami pang sinabi si Duterte sa pagdinig at kahit pinagbawalan nang huwag magbitiw ng mga masasamang salita, hindi pa rin nito napigilan kaya nagkalat ang “putang-ina”, “gago” at “sira-ulo”.
Ngayong haharap na siya ICC prosecutors, malaya siyang sabihin ang gusto para ipagtanggol ang sarili laban sa mga inaakusa sa kanyang pagpatay. Hindi siya maaring magmura roon.
- Latest