Grade 8 tinodas ng klasmeyt sa loob ng classroom

MANILA, Philippines — Isang Grade 8 student ang patay sa apat na saksak ng kanyang kaklaseng umano’y bading, sa loob mismo ng kanilang silid-aralan sa Parañaque City, Miyerkules ng hapon.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Parañaque ang biktimang si alyas Rodelyn, 14, estudyante ng Moonwalk National High School sa Daang Batang St. Brgy. Moonwalk, Parañaque habang nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek na si alyas CPBB, 15, kaklase ng biktima, na ipaghaharap ng kasong homicide, ayon sa ulat ni PSMS Gerry Mislang, imbestigador sa kaso.
Ayon kay Southern Police District (SPD) District Director PBGen. Manuel Abrugena, ala-1 ng hapon ng Marso 26, nang maganap ang krimen sa loob ng classroom ng nasabing eskwelahan, habang naka-recess ang klase.
Sinabi ni Mislang na naging ugat sa matagal nang alitan ng biktima at suspek ang hindi umano pagpapahiram ng make-up ng dalagita sa suspek. Ang isyu ng pambu-bully umano ng suspek ay naisumbong na ng biktima sa kanyang ina kaya sinabihan siya na iparating sa guro at guidance counsellor. Ngunit hindi ito sinunod ng biktima sa takot na maapektuhan ang kanyang grade.
Bago naganap ang pananaksak, tinutukan muna ng suspek ng patalim ang biktima kaya napilitinan nang magsumbong ang huli isa isang guro sa kabilang silid-aralan.
Subalit sa pagbalik ng biktima, sinalubong siya ng suspek at inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa harap mismo ng mga kaklase.
Samantala, pumalag naman ang ate ng biktima sa pagsasabing ang suspek ang nambully at kinuwestiyon ang seguridad ng paaralan.
Bahagi ng post ni Calie Rhieane Santos sa Facebook: “Tinanggalan nyo ng pangarap tinanggalan nyo ng buhay tinanggalan nyo ng kinubukasan hindi nya deserve ‘yung ganto napakabata pa niya para kitilan ng buhay ng walang kalaban laban.. matigas ang ulo oo ang manakit ng iba malabo hindi niya magagawa.”
- Latest