Tambobong Festival sa Malabon, nagsimula na

MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang pagbubukas ng pagdiriwang ng Tambobong Festival 2025 sa lungsod kung saan sinimulan sa 20 makulay at makasaysayang Tambobong Festival Float Parade na sumasalamin sa mayamang kasaysayan, kultura, at tradisyon ng Malabon.
Kasabay nito ang pag-indak ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod at pagpiprisinta ng mga kandidato ng Ginoo at Binibining Malabon mula sa 21 barangay sa lungsod.
Ang pagdiriwang ng kapistahan sa Malabon ay mula sa dating tawag sa Lungsod na Tambobong dahil sa rami ng mga puno ng tambo sa bayan. Sagana rin ito sa labong na isa sa mga orihinal na sangkap ng pancit Malabon.
Ayon kay Sandoval, nasa 2,000 katao ang makikiisa sa float parade na naglibot mula sa Malabon National High School patungong Malabon Sports Complex.
“Nawa ay magsilbing inspirasyon ang mga programang ito para sa atin sa ating patuloy na pagsasagawa ng mga serbisyo para sa kapwa Malabueno,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete.
- Latest