Eala gumawa ng kasaysayan

MANILA, Philippines — Gumawa ng ingay si Alex Eala matapos patumbahin ang mga world-class tennis players sa prestihiyosong Miami Open na ginaganap sa Miami, Florida.
Nagdiwang ang buong bansa sa kaliwa’t kanang tagumpay nito kabilang na ang impresibong panalo laban kay reigning Australian Open champion Madison Keys ng Amerika.
At hindi maikakaila na tinitingala na ang 19-anyos na Pinay netter ng mga kabataang tennis players na nagnanais sundan ang kanyang yapak.
Sa gitna ng tagumpay, umaasa si Eala na malaki ang maitutulong nito upang mas lalo pang lumawak ang tennis sa Pilipinas at sa buong rehiyon sa Southeast Asian at Asia.
“The young kids, the youth in the Philippines, they don’t need to take inspiration from me. They can take inspiration from anyone they want. You know, they can take inspiration from other things, which is what I did growing up,” ani Eala.
Ibinahagi ni Eala ang naging daan nito tungo sa tagumpay.
Sa edad na 13-anyos, tumulak na si Eala sa Mallorca, Spain para sumalang sa training camp sa pamosong Rafael Nadal Tennis Academy.
Dito nahubog ang talento ni Eala kung saan ilang korona sa juniors division ang nakamit nito kabilang na ang mga Grand Slams.
Nagkampeon ito sa girls’ singles ng US Open noong 2022 habang nai-uwi rin ni Eala ang korona sa girls’ doubles sa Australian Open noong 2020 at French Open noong 2021.
Nakatakdang sagupain ni Eala si Grand Slam champion at world No. 2 Iga Swiatek ng Poland sa quarterfinals kaninang madaling araw.
- Latest