Win No. 9 sasakmalin ng NU sa UP
MANILA, Philippines — Muling isasahog ni National University head coach Sherwin Meneses sina former Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen at Alyssa Solomon upang ikadena ang pang-siyam na sunod na panalo pagharap nila sa University of the Philippines sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil-EcoOil Arena ngayong araw.
Magsisimula ang sagupaan ng NU at UP sa alas-11 ng umaga sunod ang bakbakan sa pagitan ng Far Eastern University at University of the East sa alas-5 ng hapon.
Tangan ang malinis na walong panalo at solo sila sa tuktok ng team standings, pero ayon kay Belen, napahirapan sila bago nanalo sa huli nilang laro kontra De La Salle University, 25-19, 22-25, 25-20, 25-18.
“Hindi naging madali yung laban namin. Talagang nahirapan din kami against La Salle kasi may sistema rin sila. At the same time, may sistema rin kami. Yung game naman, ine-expect din namin na magiging mahirap siya compared sa first round,” ani Belen.
Isa si Belen sa maiinit na players sa first round elims dahil nangunguna ito sa Most Valuable Player (MVP) race, meron itong 159,600 statistical points.
Kasalo sa three-way tie sa No. 5 ang UP, Adamson University at Ateneo De Manila University na may tig-3-5 cards.
- Latest