Bakanke inakay ang FEU

MANILA, Philippines — Kinapitan ng Far Eastern University ang tikas ni Faida Bakanke upang suwagin ang University of Sto. Tomas, 25-22, 26-24, 17-25, 26-24 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Ayon kay FEU head coach Tina Salak ay biniliban niya ang ipinakitang laro ng kanyang mga bataan kaya umaasa siyang mas magpupursige ang kanilang koponan sa susunod na mga laban.
“Mataas ‘yung expectation ko talaga kasi binibigyan ko na sila ng bigger responsibility this second round. ‘Yung expectations din namin kasi masyado na ring mataas ‘yung at stake regarding sa positioning ng teams, so hopefully magandang start ito for the second round,” ani Salak.
Tumikada si Bakanke ng 22 points mula sa 18 attacks at tig-dalawang service aces at blocks upang tulungan ang Lady Tamaraws na ikahon ang pang-limang panalo sa walong laro.
Dahil sa panalo, nasuki ng Lady Tams ang Golden Tigresses, tinalo rin nila ang huli sa apat na sets din, 25-19, 16-25, 25-14, 25-20 nang magharap sila sa first round noong Pebrero 15.
Nag-ambag sina Gerzel Mary Petallo at Jazlyn Ann Ellarina ng tig-12 puntos habang siyam ang kinana ni Jean Asis para sa Lady Tams na nakabangon agad mula sa pagkakadapa nakaraan kontra De La Salle University sa tatlong sets.
“Proud po ako sa team namin sa effort po talaga na binigay kasi gusto po talaga namin manalo,” ani Petallo.
- Latest