Creamline lumapit sa semis; ika-100 panalo para kay Meneses

MANILA, Philippines — Madaling iniligpit ng nagdedepensang Creamline ang Chery Tiggo, 25-10, 27-25, 25-21, sa Game One ng kanilang 2024-25 PVL All-Filipino Conference quarterfinals series kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw si team captain Alyssa Valdez ng 16 points bukod sa 13 execellent digs at 9 excellent receptions para sa 1-0 bentahe ng Cool Smashers sa kanilang best-of-three showdown ng Crossovers.
“Through our experiences in tight matches, we’ve been tested many times, and we’ve learned how to respond,” ani Valdez.
Ito rin ang ika-100 panalo ni Sherwin Meneses bilang PVL head coach matapos simulang gabayan ang tropa noong 2022 Open Conference.
Hindi nakitaan ng ‘kalawang’ ang Creamline matapos ang isang 19-day break mula ang walisin ang Nxled sa qualifying round.
Makaraang kunin ng Chery Tiggo ang 23-20 bentahe sa second set ay isang 7-2 atake ang ginawa ng mga bataan ni Meneses para agawin ang 27-25 panalo at itayo ang 2-0 kalamangan sa laro.
Sa third frame ay bumandera sina Valdez at Tots Carlos para kumpletuhin ng Cool Smashers ang straight-sets win sa Crossovers.
Maaari nang walisin ng Creamline ang Chery Tiggo sa Game Two sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
“The job is not yet done, we need to work harder and hopefully we can prepare for Game Two,” wika ni Valdez.
Nagdagdag si Carlos ng 13 points at may 11 at 10 markers sina middle blockers Bea de Leon at Pangs Panaga, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Shaya Adorador ang Crossovers sa kanyang 10 points.
- Latest