Mekaniko, tinaniman ng bala sa ulo, patay!
MANILA, Philippines — Tigok ang isang mekaniko nang taniman ng bala sa ulo ng ‘di kilalang salarin habang nagkukumpuni ng kanyang motorsiklo sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Tinangka pa ng mga doktor ng Tondo Medical Center na maisalba ang biktimang si Jed Justine Arao, 36, motorcycle mechanic at residente ng Permanent Housing sa Tondo, ngunit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Sa ulat na nakarating kay Manila Police District (MPD)-Homicide Section chief PCapt Dennis Turla, nabatid na dakong alas-11:05 ng gabi nang maganap ang krimen sa Permanent Housing sa Tondo.
Nauna rito, abala sa pagkukumpuni ng kanyang motorsiklo ang biktima nang dumating ang salarin at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima sa ulo.
Nang natiyak na napuruhan ang target ay mabilis nang tumakas ang suspek patungo sa hindi natukoy na direksiyon.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad para maaresto ang suspek at mapanagot sa krimen.
- Latest