Alden,may gustong makasama
Kamakailan ay nagpa-block screening si Alden Richards para sa pelikulang Everything About My Wife na pinagbibidahan nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo. Ginawa raw ito ni Alden upang suportahan ang mag-asawa na nagtambal muli para sa isang magandang pelikula. “Malapit kasi sa akin si Jen at Dencio (tawag sa mag-asawa) eh. Kaya parang sabi ko when this movie came out and then I’m hearing a lot of good reviews, we should start an environment like that towards one another, we support each other siyempre,” nakangiting pahayag ni Alden sa 24 Oras.
Lubos ang pasasalamat nina Jennylyn at Dennis sa ginawang pagsuporta ni Alden sa kanilang pelikula. “Gusto naming magpasalamat sa kanya dahil sa palagi niyang pagsuporta sa mga kasama sa industriya, sa mga kaibigan, sa pag-uplift ng pelikulang Pilipino,” paglalahad ni Dennis.
“Napaka-sweet ni Alden. Ang tagal na naming nagkatrabaho pero hanggang ngayon gano’n pa rin ‘yung Alden na kilala ko. Napaka-generous at napakabait, napaka-supportive,” dagdag naman ni Jennylyn.
Kung mabibigyan ng pagkakataon ay nangangarap si Alden na muling makatrabaho sa isang proyekto sina Jennylyn at Dennis. “Nasa bucket list ko rin ‘yon, makatrabaho ko silang dalawa again, actually. Tsaka mabubuting tao, do’n ako, that’s what I’m banking on. So they deserve all the support they can get and they deserve all the support they’ve been getting for every project that they do,” giit ni Alden.
Jillian: ‘na-feel ko na genuine talaga si Michael’
Nalalapit na ang pagtatapos ng seryeng My Ilonggo Girl napinagbibidahan ni Jillian Ward. Masayang-masaya ang aktres at ang katambal na si Michael Sager dahil sa mainit na pagtangkilik ng mga manonood sa kanilang programa. “Masaya po ako, ibig sabihin maraming nanonood, maraming natutuwa sa show namin. I’m very grateful, sobrang happy po ako. I feel so blessed,” bungad ni Jillian.
“We’re celebrating with everybody. Kasi no’ng sinabi po sa amin na talagang sumisigaw ‘yung prod (team), palakpakan kaming lahat. We’re just grateful,” dagdag naman ni Michael.
Ayon sa magkatambal ay kailangang pakaabangan ng mga tagahanga ang mga huling tagpo sa naturang serye. “Lalabas na po si Tata 2.0. Kahit nga po sa ibang social media platforms, gumagawa sila ng mga edits na palaban na nga raw si Tata. So nakaka-excite kung ano na ang gagawin ngayon ni Tata, kung paano siya lalaban,” nakangiting pahayag ng Kapuso actress.
Isang eksena raw ang siguradong magpapaiyak sa mga Kapusong sumusubaybay sa serye. Para kay Jillian ay talagang malapit sa katotohanan ang kanilang ginawang ito ni Michael. “Umiiyak talaga siya nang totoo. Kasi parang goodbye ‘yung eksena. Malapit siya sa real life scenario namin. No’ng kinukunan namin ‘yung eksena na ‘yon, na-feel ko na genuine pala talaga si Michael, ‘yung pagiging caring niya, ‘yung pagiging mabait niya talaga sa akin,” kwento ng dalaga.
“No’ng we did the scene I was looking at Jill’s eyes, naramdaman ko talaga na i-cherish itong moments na ‘to. I don’t wanna take this for granted. Kumbaga this is the only project I really enjoyed with. It’s my way of saying thank you. ‘Yung attachment ko with the show is very solid. So ‘yung gano’ng ekesena talagang nadala na po ako and totoo na ‘yung iyak ko,” pagtatapos ni Michael. (Reports from JCC)
- Latest