Flying Titans umiskor sa Thunderbelles
MANILA, Philippines — Ipinakita ng Choco Mucho ang kanilang tatag sa dikdikang labanan matapos nilang silatin ang ZUS Coffee, 20-25, 20-25, 25-22, 25-22, 15-9 sa 2024-2025 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na nilaro sa Philsports Arena kagabi.
Matapos ang gitgitang apat na set ay ipinaramdam ng Flying Titans ang kanilang lakas sa kaagahan ng set five nang ilista nila ang 9-1 bentahe.
Nakasagot ang Thunderbelles mula sa malutong na spike ni Jovelyn Gonzaga at isang puntos mula kay Glaudine Troncosco, 3-9 pero hindi na rin sila nakahabol at tinapos sila ng Flying Titans.
Umahon ang Flying Titans mula sa dalawang sets na pagkakalubog matapos silang akbayan ni Sisi Rondina at nagbabalik laro na si Deanna Wong.
Nakatuwang nina Rondina at Wong sina Dindin Manabat at Isa Molde sa tatlong natitirang frames para ilista ang pangalawang sunod na do-or-die fifth set win.
Nirehistro ni Rondina ang 25 points mula sa 24 kills at isang service ace habang ang nahirang na Best Player of the Game na si Wong ay bumakas ng pitong puntos kasama ang 10 excellent sets para tulungan ang Flying Titans na ilista ang 4-3 karta at puwestuhan ang solo sixth place sa team standings.
Tumikada si Manabat ng 19 points, 13 puntos ang kinana ni Molde habang 11 ang inambag ni Lorraine Pecana.
Samantala, isang taon mahigit na nagpagaling mula sa injury si Jolina Dela Cruz kaya naman gigil itong bumalik sa paglalaro at inakbayan nito ang Farm Fresh Foxies sa panalo kontra Nxled Chameleons, 25-22, 26-24, 25-21, sa unang laro.
- Latest